FILING pa lamang ng certificates of candidacy (CoCs) sa kasalukuyan pero mayroon nang mga nangyaring karahasan. Noong Lunes, isang mayor sa Zamboanga Sibugay ang inambus at napatay habang anim naman sa kanyang mga kasamahan ang nasu-gatan. Napatay si Mayor Randy Climaco ng Tungawan, Zamboanga Sibugay ilang oras makaraan siyang mag-file ng CoC. Nakasakay sa kanilang service vehicle ang mayor nang ambusin ng mga kalalakihang nakasakay sa motorsiklo.
Nang araw ding iyon, isa pang kandidato para sa konsehal ang binaril sa Antipolo City at malubhang nasugatan. Nakilala ang kandidato na si Macario Semilla Jr., 44, na tinamaan sa dibdib. Ayon sa pamilya ng biktima, pulitika ang nasa likod ng pag-ambus.
Ang dalawang pangyayari ang nag-udyok sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para hilingin sa Commission on Elections (Comelec) na ipatupad nang maaga ang pagbabawal sa lahat na magdala ng baril, maliban sa mga security ng President, Vice President, Senate President, House Speaker at Chief Justice. Bukod sa maagang gun ban, hiniling din ng PPCRV sa Comelec na huwag magbigay ng permiso sa mga pulitiko para magdala ng baril. Ayon sa PPCRV, kung ipagbabawal ang maagang gun ban sa panahon ng elections, makatitiyak na walang karahasan. Kung walang baril, walang kaguluhan at walang mamamatay.
Maganda ang mungkahi ng PPCRV at sana’y pakinggan ito ng Comelec. Kung mas maaga ang gun ban, mababawasan ang karahasan. Kung naideklara na bawal na ang baril sa panahon ng pagpa-file ng CoCs, baka hindi nangyari ang pag-ambush sa mayor ng Zamboanga Sibugay at sa isang kandidato sa Antipolo City.
Sa mga nakaraang election, marami nang namatay sa karahasan dahil pawang may mga baril ang pulitiko. Mayroon ding nagmimintina ng private army kaya naman nagiging malagim ang election. Kumilos din naman agad ang Philippine National Police (PNP) para buwagin ang private armed groups (PAGs).