ANIM na kandidato sa pagka-vice presidente ang maglalaban sa 2016 presidential elections.
Kabilang sa mga kakandidatong vice president ay sina Senators Chiz Escudero, Antonio Trillanes, Allan Peter Cayetano, Bongbong Marcos, Gringo Honasan at Camarines Sur Rep. Leni Robredo.
Kakaiba ang eleksiyon sa susunod na taon dahil mas maraming kandidatong vice president na karamihan ay mga senador.
Ang ipinagtataka ko ay bakit marami ang gustong maging vice president dahil sila lang ay magsisilbing reserba sakaling may mangyaring masama sa president.
Kung sabagay, magandang behikulo ang maging vice president para kumandidatong presidente sa susunod na eleksiyon.
Asahan na magpapaligsahan ang mga kandidatong vice president at baka mas maging mainit pa ang labanang ito kumpara sa mga presidential candidates.
Samantala, nakikita ko sa sitwasyon sa napakaraming kakandidatong vice president ay ang kahinaan ng partidong pulitikal sa bansa.
Isang magandang halimbawa rito ay ang Nacionalista Party (NP) na tatlo ang kakandidatong presidente at ito ay ang kanilang miyembro na sina Trillanes, Cayetano at Marcos.
Malinaw na walang kontrol ang partido sa kanilang partido at walang kuwenta ang sistema o patakaran sa NP dahil mas nasusunod ang desisyon ng mga miyembro kung nais nilang kumandidato sa halip na ang partido ang magpasya.
Walang kandidatong presidente ang NP na kung talagang matatag ang partidong ito ay dapat mayroong silang kumpleto kandidato mula president, vice at mga senador.
Ang Nationalist Peoples Coalition na naturingan pang pangalawang na malaking partido ay wala ring sariling kandidato na isang indikasyon na mahina ang partido at aangkas lang sa kandidatura nina Senators Grace Poe at Escudero na parehong independent candidates.