Gusto mo bang maging malusog at masigla? Simple lang ang solusyon. Kumain ng 2 tasang prutas at 2 tasang gulay bawat araw. Maraming benepisyo ang iyong makakamtam sa ganitong paraan:
1. Kumpleto sa bitamina – Kapag susundin mo ito, makukuha mo ang mga bitaminang kailangan ng iyong katawan sa bawat araw. Sagana ang prutas at gulay sa vitamin A, B, C, K at iba pa.
2. Makaiiwas sa kanser – Ayon sa pagsusuri, ang pagkain ng sapat na gulay at prutas araw-araw ay makababawas sa pagkakaroon ng kanser ng 3 to 10%. Kung gusto pang bumaba ang tsansa na magka-kanser, umiwas din sa sigarilyo at pag-inom ng alak.
3. Para maging regular ang pagdumi – Malaki ang tulong ng prutas at gulay sa ating tiyan at bituka. Mataas ito sa fiber na parang nagsisilbing walis na lumilinis sa ating bituka. Bawasan ang pagkain ng karne at taba na kulang sa fiber.
4. Panlaban sa stress – Ang gulay ay mataas sa mga vitamin B, na makatutulong sa ating ugat (nerves) at makababawas sa stress. Mas giginhawa din ang iyong pakiramdam sa pagkain ng prutas at gulay.
5. Panlaban sa init – Kapag masyado mainit ang panahon, kumain ng matutubig na prutas, tulad ng melon, pakwan at buko juice. Uminom din ng 8-10 basong tubig sa bawat araw.
6. Para manatiling bata at malusog ang katawan – Ayon sa isang pagsusuri sa England, may 4 na gawain para tumanda ng 12 taon. Ito ay ang paninigarilyo, pag-inom ng sobrang alak, hindi pag-e-ehersisyo, at kakulangan sa pagkain ng gulay at prutas.
7. Para makaiwas sa sakit, kumain ng 2 tasang prutas at 2 tasang gulay araw-araw.
Ngunit, kung gusto ninyong kumain ng mas marami pang gulay ay puwede naman kumain ng hanggang 3 or 4 na tasang gulay sa isang araw. Kung prutas ang mas gusto mo ay huwag lang sosobra sa 2 tasa at baka kayo tumaba. Ang mangga at ubas ay matamis at mataas sa calories.
Ang pinakamasustansyang prutas na mabibili sa Pilipinas ay ang saging, mansanas, orange, dalandan, papaya, strawberry, ubas, pakwan, melon, buko, abokado at pineapple.
Ang pinakamasustansyang gulay ay ang broccoli, cauliflower, kangkong, pechay, ampalaya, spinach, talong, okra at talbos ng kamote. Kumain nang tama at sapat.