MARAMI ang nagtaas ng kilay sa promotion ni Socrates Regala bilang officer-in-charge (OIC) Revenue District Officer 27 (RDO27) ng Caloocan City. Sa Revenue Travel Assignment Order (RTAO) No. 40-2015 na may petsang Sept. 16, ipinalabas ni Bureau of Internal Revenue (BIR) chief Kim Henares ang pagtalaga kay Regala bilang hepe ng RDO sa Caloocan City mula sa pagiging section chief ng National Investigation Division (NID). Napuna lang ng mga kosa ko na sa walong pahinang reshuffle na isinagawa ni Henares, bukod-tanging si Regala lang ang CROll, samantalang ang mga kasamahan n’yang na promote ay halos mga CRO lll o CRO lV na. Ibig kaya sabihin nito hindi qualified si Regala sa trabaho nIya? ‘Yan po ang tanong mga kosa ko! Kung hindi qualified si Regala, maliwanag pa sa sikat ng araw na paglabag ito sa “Noon, Ngayon” na slogan ni Henares at lalo na sa “Daang Matuwid” program ni Pres. Aquino, di ba mga kosa? Boom Panes! Hehehe! Weder-weder lang ‘yan!
Napag-usapan na din lang natin ang “Noon, Ngayon” slogan ni Henares mga kosa, ang pagka-intinde ng taga-BIR dito ay naiiba ang magiging pamamalakad ni BIR chief sa kanyang termino sa ngayon. Kung noong panahon ng mga pinalitan niya ay talamak ang corruption, hindi na sa ngayon sa liderato ni Henares sa ilalim ng “Matuwid na Daan” ni Pres. Aquino. Itong slogan ni Henares ay nakapaskil kahit saan mang parte ng BIR building sa Quezon City at maging sa elevator, anang mga kosa ko. At siyempre, pinangatawanan naman ni Henares ang kanyang slogan, at sa katunayan, putok sa BIR na kapag lumapit ka sa BIR chief mas malamang na aabutin ka ng indulto keysa sa grasya. May ilan na bang mga BIR employees na nagbakasakaling ma-promote gamit ang kanilang mga padrino subalit sa kangkungan ang bagsak at hindi sa ma-pitsang puwesto bunga sa hindi sila pinagbigyan ni Henares? Subalit bakit nag-iba ang ihip ng hangin at nilabag ni Henares ang “Noon, Ngayon” slogan n’ya sa kaso ni Regala? Punyeta! Dapat na kayang pumasok ang Civil Service Commission dito sa kaso ni Regala? Anong sey n’yo mga kosa?
Humahangos naman na nagreport ang mga kosa ko na itong si Regala pala ay bagyo talaga, hindi lang kay Henares, kundi maging kay Pres. Aquino. Bakit? Ang tanong ko naman. ‘Yaon pala, noong nasa National Investigation Division pa s’ya, itong si Regala ang nautusang magkalkal ng mga ari-arian ni Chief Justice Renato Corona noong impeachment trial n’ya. Di ba naging controversial pa itong impeachment ni Corona dahil sa paggastos ng gobyernong Aquino ng bilyon mula sa DAP para lang mapatalsik ang una? At malaking papel ang naitulong ng mga papeles na nakalap ni Regala para masisante nga sa puwesto si Corona, di ba mga kosa? Punyeta! Ang kalaban talaga natin ay ang sarili natin dahil watak-watak tayo, di ba Heneral Luna? Mismo! Hehehe! Nilunok ni Henares ang “Noon, Ngayon” slogan niya? Boom Panes!
Itong DAP sa ngayon ang naging ugat nang sigawan sa Palasyo nina Pres. Aquino at Budget Sec. Butch Abad dahil sa napipintong kaso na ihaharap sa kanila ng Ombudsman. May katwirang magalit si PNoy dahil, ayon sa mga kosa ko, walang pirma ni Abad ang mga papeles ng DAP, na ayon sa Korte Suprema, ay unconstitutional! Kalat naman ang balitang ang pera ng DAP ay pinamudmod sa mga pulitiko para bomoto sa impeachment ni Corona, di ba mga kosa? Ang pumirma raw sa DAP documents ay ang deputy ni Abad, anang mga kosa ko. Hehehe! Matalino talaga si Abad, no mga kosa? Subalit kahit anong kaguluhan pa ang dulot nang impeachment ni Corona, ang pinakamaligayang nilalang sa bansa ay si Regala dahil napremyuhan siya, di ba mga kosa? ‘Ika nga, bayad na si Regala. Abangan!