AYON sa pag-aaral na ginawa ng mga psychotherapist, dapat ay nakikipagyakapan ka sa iyong mahal sa buhay araw-araw. Narito ang naibibigay na benepisyo ng pagyakap:
Nagpapalakas ng immune system. Mahalagang yakapin ang mahal mo sa buhay na may cancer para lumakas ang kanyang immune system at matalo ang mga cancer cells na nagpapahina ng kanyang katawan. Ayon sa pag-aaral ng University of Miami, ang pagkarga at pagyakap sa bagong silang na sanggol ay nakakabilis ng kanyang paglaki.
Kaya mali ang sinasabi ng matatanda na hindi dapat kargahin ang mga sanggol dahil baka ito masanay. Magiging iyakin daw ito at titigil lamang kapag kinarga. Hindi nauunawaan ng matatanda na kaya nagiging iyakin ay dahil kulang sa kalinga. Ang iyak ay nagpapahayag na naghahanap ang sanggol ng kalinga.
Nagpapalakas ng loob at tiwala sa sarili. Totoo ‘yan. Kapag ang feeling mo ay nag-iisa ka sa mundo at walang kakampi, isang yakap lang ng kaibigan o mahal sa buhay ay nagbibigay sa iyo ng pag-asa.
Nagpapalabas ito ng oxytocin. Kapag niyakap ang isang tao, ang kanyang katawan ay naglalabas ng oxytocin. Ito ang hormone na nagdudulot ng kapanatagan ng kalooban. Ito rin ang hormone na lumalabas sa ina habang nanganganak. Natitiis niya ang pisikal na sakit dahil love niya ang batang iniluluwal niya.
Ang yakap ay nakakapagpalawak ng pasensiya. Hindi ka makakaramdam ng galit dahil sa oxytocin.
Ang yakap ay nagpapalabas sa katawan ng serotonin. Ito ang hormone na nagdudulot ng kaligayahan. Ang maganda sa pagyakap, parehong nakikinabang ang nagbibigay at tumatanggap ng yakap.
“A hug makes everything better than 1000 words” - Vishaak