Muli na namang umiinit ang isyu tungkol sa Mamasapano incident kung saan 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) ang nasawi.
Ito matapos magbigay ng pahayag mismo si Pangulong Aquino tungkol sa umano’y ‘alternative truth ‘ sa insidente.
Mismong si PNP chief Director General Ricardo Marquez ang umamin na bumagsak ang moral ng hanay ng pulisya sa isyu ng ‘alternative truth’,
Ayon naman sa dating PNP-SAF commander na si ret. Director Getulio Napeñas, isang matinding insulto umano sa kabayanihan ng SAF 44 ang ginagawa ngayong pagbaligtad sa katotohanan ng MILF.
Sa pinapaingay ngayong bersyon, sinasabing hindi ang SAF 44 ang nakapatay sa international terrorist na si Zulkiphi bin Hir , alyas Marwan kundi ang malapit na tauhan nito at ito ay dahil sa $5 milyon reward sa ulo nito.
Sa kabila ng pinalulutang na ibang bersyon na tila kinakagat ng iilan, wala namang nailalabas na mga ebidensya susuporta rito.
Mistula umanong pinakinggan ng Palasyo ang bagong bersyon ng MILF at ngayon nga ay may mga hirit na muling buksan ang imbestigasyon dito.
Ang ganitong mga pangyayari, ang nagdagdag na naman sa pighati na dinadanas ng pamilya at mga mahal sa buhay ng nasawing SAF 44.
Hindi pa man nabibigyan ng hustisya ang karumal-dumal na sinapit sa insidente sa Mamasapano, eh kung anu-ano naman ngayong paglapastangan umano ang binibira sa mga ito.
Maging ang mga naunang inquiry na isinagawa, ay mistulang nababalewala.
Hindi lang naman ang mga mahal sa buhay o pamilya ng SAF 44 ang muling nag-iinit sa ngayon, maging ang marami nating kababayan dahil nabubuhay na naman sa kanilang kaisipan ang naganap na pagpaslang o pagmasaker sa mga tauhan ng SAF.
Habang nagpapalutang ng mga ganitong uri ng isyu, lalo lang nilang nagagatungan ng galit ang taumbayan.
Lalu pa nga’t hanggang ngayon ay hinihintay pa rin buhat sa Department of Justice kung ano nang hustisya ang inaasahan ng mga nasawi.
Alam na alam, at ramdam naman ng marami nating kababayan na ang ganitong mga alegasyon ay paraan lamang sa pagpupumilit sa ilang bagay, at alam na rin nila na ito ay walang iba kundi ang may kinalaman sa BBL.