FLASH Report: Nag-iiyakan ang mga security agency sa Southern Luzon dahil sa ginawa silang sponsor sa shootfest ni Calabarzon police director Chief Supt. Richard Albano sa Sept. 25 to 27. Kung may 250 security agency sa Calabarzon at tig-P10,000 ang sponsorship nila, maliwanag pa sa sikat ng buwan na may P2.5 milyon na mapupunta sa bulsa ni Albano, di ba mga kosa? Maliban d’yan, sponsor din ng shootfest sa PNTI ang gambling lords sa Calabarzon at ang mga opisyal ng PNP sa Camp Crame. Ang pera ay inihulog ng mga sponsor sa Banco de Oro account No. 002330071422 na nasa pangalan ni ret. Maj. Helen Malunes, ang sekretarya ni Albano. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
* * *
HINDI naging balakid ang kapansanan ni Raissa Laurel para isulong ang kanyang mga adhikain sa buhay. Kung matatandaan n’yo mga kosa, si Laurel ay second year law student pa lamang ng De La Salle University nang may sumabog na bomba sa labas ng campus matapos ang bar examinations noong 2010. Isa si Laurel sa aabot 50 na nasaktan sa insidente at nawala ang kanyang dalawang paa. Kahit gan’un na ang sitwasyon n’ya, hindi nawalan ng pag-asa si Laurel at sa katunayan lumaban s’ya hanggang sa marating n’ya sa ngayon ang kinalalagyan n’ya. Nakapag-move on na si Laurel at sa katunayan, naikot na niya ang buong mundo para lang i-push ang karapatan ng mga persons’ with disabilities (PWDs). Maraming speaking engagements na naging resource speaker si Laurel, kabilang d’yan ang High-level Meeting of the General Assembly on Disability Development ng United Nations sa New York. Kagagaling din niya sa Geneva, Switzerland, at naging guest speaker sa 36th National Disability Prevention and Rehabilitation Week sa Dept. of Rehabilitation Medicine ng Philippine General Hospital at Philippine Association of Secretaries General Membership meeting. Hehehe! Magiging idolo ng mga PWDs, hindi lang sa bansa, kundi sa buong mundo si Laurel, di ba mga kosa? T’yak ‘yon!
At para makatulong lalo sa mga PWDs, papasukin na rin ni Laurel ang magulong mundo ng pulitika. Arok naman n’yo mga kosa na kaya naabot ni Laurel ang kinalalagyan niya ngayon ay dahil sa tulong ng mag-inang sina San Juan Mayor Guia Gomez at Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito. At bilang pagtanaw ng utang na loob, tatakbo bilang konsehal ng unang distrito ng San Juan si Laurel sa darating na halalan para matulungan ang mga PWDs sa naturang siyudad.
Tatakbo si Laurel sa ilalim ng Partidong Magdiwang, na pinamumunuan ni Gomez, na hihirit pa ng kanyang third and last term. Hehehe! Kaya tinatawagan ko ang taga-San Juan na suportahan sina Gomez at Laurel para lalong isulong nila ang karapatan ng mga PWDs, di ba mga kosa? Tumpak!
Kung sabagay, maganda ang credentials ni Laurel dahil nagtapos siya ng AB in Humanities sa University of Asia Pacific sa Ortigas, Pasig City at ang law course naman n’ya sa Philippine Christian University. Naging research associate si Laurel ng Center for Research and Communication, at dating paralegal ng Opiña, Mendoza and Associates Law Office, at naging intern ng World Health Organization Headquarters sa Geneva. Kukuha na siya ng bar sa darating na Nobyembre. Masabi kong isang inspirasyon si Laurel kung katapangan lang ang pag-uusapan sa mga kabataan na may kapansanan, hindi lang sa San Juan, kundi ng buong mundo. Tumpak! Kaya sa mga PWDs diyan, hindi pa tapos ang role n’yo sa buhay at tularan n’yo si Laurel na bumangon at nagpursiging marating ang rurok ng tagumpay, di ba mga kosa? Abangan!