EDITORYAL – Kahit nakapatay na, naiisyuhan ng gun permit

NAPAKARAMI nang malalagim na kamatayan na nangyari dahil sa walang habas na pamamaril. Marami nang naulila dahil nabistay ng bala. Kahit ang walang kalaban-laban na tao ay walang awang binabaril. Nakapagtataka naman na sa kabila na marami nang namatay dahil sa pamamaril ay patuloy pa rin ang Philippine National Police (PNP) sa pagbibigay ng permit para magkaroon ng baril. Kahit sino ay maaaring magmay-ari ng baril. Kahit hindi kuwalipikado at kahit marahil sira ang ulo ay nakakakuha ng permit para makapagdala ng baril. Anong klaseng patakaran mayroon ang bansang ito na lahat na yata ay maaring magbaril at ipuputok kung kailan magustuhan. Kawawa ang mga matitiyempuhan ng may dalang baril at biglang tinopak.

Noong Martes ng gabi, isa na namang malagim na kamatayan ang naganap makaraang ratratin ng bala ng anak ng dating PC general ang isang pampasaherong van sa White Plains, Quezon City. Dalawa ang namatay sa pamamaril ni Jose Maria Abaya, 50, isa umanong negosyante. Umano’y kumakain si Abaya sa isang eatery stall sa Katipunan nang tumigil sa harap ng stall ang pamasaherong van dahil nasira ang makina. Nang maisaayos ang makina ng van, umalis na ito at tinahak ang Katipunan. Umalis na rin si Abaya sakay ng motorsiklo. Ayon sa mga saksi, nag-overtake umano si Abaya sa van at saka pinaputukan nang maraming beses. Unang tinamaan ang babaing pasahero sa unahan at ang drayber. Unang namatay ang babae at kamakalawa ay namatay din ang drayber. Makaraan ang ilang oras, sumuko si  Abaya. Nang kapanayamin, binaril daw niya ang van dahil ang akala niya, mga armado ang nasa loob niyon at sinusundan siya. Sinampahan ng murder charge si Abaya ng QCPD. Napag-alaman na dating na-rehab si Abaya at may dating kaso ng pamamaril sa isang sekyu. Napatay niya ang sekyu.

Kung nakapatay na si Abaya at na-rehab pa, bakit naisyuhan pa ng gun permit? Umano’y hindi lamang iisa ang baril ni Abaya. Hindi na nakapagtataka kung bakit may malalagim na krimen na nangyayari ngayon. Masyadong maluwag ang PNP sa pagbibigay ng permit. Sila ang dapat sisihin sa mga nangyayari ngayong karumal-dumal na krimen.

Show comments