HINDI layunin ng BITAG na husgahan o ipagtanggol ang sinumang lumalapit sa aming tanggapan.
Bawat buka ng kanilang bibig, galaw ng mga mata at kilos ng katawan, pinag-aaralan at inaanalisa. Hindi garantiya na kapag nagsumbong ang isang indibidwal na biktima raw siya sa isang krimen, siya na ang paniniwalaan at papanigan ng BITAG.
Tulad ng isang amang inaakusahan daw ng kanyang walong taong gulang na anak na babae na nangmolestiya at nanggahasa sa kanya sa kanyang kaarawan noong 2013 hanggang 2015.
Walong taong tumayo bilang ama at ina si Arnulfo Panti sa anak habang wala siyang trabaho. Tanging ang asawang nagtatrabaho bilang domestic helper sa Singapore ang nagsusustento sa kanilang pangangailangan.
Buwan ng Hulyo taong kasalukuyan, inihatid ni Arnulfo ang anak sa kapatid ng kaniyang misis. Magtatrabaho na raw kasi siya kaya ang tiyuhin muna ng bata ang mag-aalaga.
Habang nasa pangangalaga ng tiyuhin ang unica hija ni Arnulfo, nagsalita ang bata. Makailang beses daw siyang ginahasa ng kanyang tatay sa loob mismo ng kanilang bahay.
Sa resulta ng medico legal, positibong nagahasa ang bata. Positibo rin ito sa sakit na sexually transmitted disease o STD. Pero, ayon kay Arnulfo, hindi niya raw kailanman ginalaw ang anak.
Sa pag-iimbestiga ng BITAG, hinamon namin si Arnulfo na sumailalim sa polygraph test sa National Bureau of Investigation (NBI). Dito, lalo pang naging mausisa ang aming grupo sa mga sumunod niyang sinabi.
Panoorin mamaya ang “Rape Tatay” sa bitagtheoriginal.com click New Generation.
• • •
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.