PNP-HPG pansamantalang solusyon

MARAMING motorista ang umaasa na kahit papaano ay maiibsan ang matinding problema sa trapiko sa EDSA kaugnay ng pag-eksena ng PNP Highway Patrol Group (HPG).

Ang EDSA ang pinakamukha ng problema sa trapiko sa Metro Manila at kung ito ay mareresolba ay tiyak na mara-ming matutuwa.

Hindi naman inaasahan ng publiko na agad luluwag ang daloy ng trapiko na kahalintulad na nararanasan kapag holiday.

Pero kung mababawasan lang ng kaunti ang oras ng biyahe ng mga motorista at pasaherong dadaan sa EDSA ay masasabing tagumpay ang PNP-HPG.

Pansamantalang solusyon lang naman ang PNP-HPG sa EDSA para lang patinuin ang mga walang disiplinang driver ng bus at pribadong motorista.

Ang pinaka-ugat naman ng problema sa trapiko sa Metro Manila ay ang sobra-sobrang sasakyan na bumibiyahe.

Taun-taon, ipinagmamalaki ng car manufacturers ang dami ng units na nabili sa kanila at malinaw na hudyat ito na lalong lalala ang problema sa trapiko.

Dumarami ang mga sasakyan na bumibiyahe pero hindi naman lumalapad ang mga kalsada kaya ang resulta, ang mabigat na problema sa trapiko.

Makabubuting pagtuunan ng pansin ng gobyerno ay ang tinatawag na long term solution tulad sa pagpapabuti ng mass transport sa bansa isang halimbawa ay ang MRT at LRT.

Bukod dito, dapat nang pag-aralan ang pagbabawas sa mga lumang sasakyan na mahigit 20 taon na. Ang mga malalaking truck at bus kapag tumirik sa kalsada ay matinding problema ang ibinibigay bukod pa sa pagkakasangkot sa malagim na aksidente.

Abangan natin kung agad na masisimulan ng gobyerno ang implementasyon ng pangmatalagang solusyon sa problema sa trapiko.

 

Show comments