‘Solar power towers’ sa Spain, iniipon ang sikat ng araw para magbigay kuryente sa isang siyudad

MAKIKITA sa kapatagan ng Seville, Spain ang dalawang tore. Kakaiba ang mga ito dahil nasa gitna sila ng daang-daang mga salamin na nakapalibot sa kanila. Ang dalawang tore na ito, na parehong may 40 palapag, ay tinaguriang ‘solar power towers’ dahil nagsu-supply sila ng kuryente sa siyudad gamit ang sikat ng araw na inipon ng mga salamin na nakapaligid sa kanila.

Nagagawang ipunin ang init ng araw sa pamamagitan ng daang-daang salamin na nakatutok sa tuktok ng tore. Sa tindi ng init mula sa repleksyon ng sinag ng araw na nanggagaling mula sa mga salamin ay nagagawa nitong pakuluin ang tubig na nasa loob ng isang tangke na nasa tuktok ng tore. Nagi-ging singaw ang tubig na pinapakawalan at nagpapatakbo sa generator na pinanggagalingan ng kuryente.

Sa sobrang epektibo ng mga salamin at ng tore sa pag-ipon ng init ng araw ay gumagana pa ang mga ito isang oras matapos lumubog ang araw. Sinasabing may mga natutustang ibon na natatamaan ng naipon na sinag mula sa mga salamin.

Sa kabuuan nagbibigay ilaw sa 60,000 mga kabahayan ang dalawang tore at plano pang paramihin ang sineserbisyuhan ng mga ito sakaling makumpleto na ang proyekto.

Show comments