ISANG halos kumpletong utak ng tao ang nagawang patubuin sa isang laboratoryo sa Estados Unidos, ayon sa isang siyentista doon.
Ipinagmalaki ni Rene Anand, isang siyentista at propesor sa Ohio State University, na nagawa niyang makapagpatubo ng isang halos kumpletong utak ng tao na maihahalintulad sa utak ng isang limang-linggong fetus.
Kasinlaki lamang ng mani ang utak na pinatubo ni Anand ngunit kumpleto raw ito sa lahat ng aspeto bukod sa vascular system na siyang nagdadala ng dugo sa ating utak.
Sinasabing ang utak na nagawang patubuin ni Anand mula balat ng tao ang pinakakumpletong utak na nanggaling mula sa isang laboratoryo.
Umaasa si Anand na makakatulong ang kanyang nagawa sa pagsasaliksik ukol sa epekto ng mga gamot para sa utak. Sa pamamagitan kasi ng mga utak na mula sa mga laboratoryo kagaya ng kanyang nagawa ay maari nang lubos na mapag-aralan ang dulot ng mga gamot na ito ng hindi gumagamit ng test subjects na tao.
Hindi na rin kailangan gumamit ng mga siyentista ng mga computer models para sa iba pang pag-aaral ukol sa utak ng tao dahil puwede na nilang kalikutin ang isang tunay na utak nang walang iniisip na etikal na mga konsiderasyon.
Ngunit sa ngayon ay nakapokus si Anand sa military research. Gamit ang utak na kanyang nagawang patubuin ay pag-aaralan nila ang epekto ng mga sakit sa pag-iisip at pinsala sa utak na dulot ng giyera sa mga sundalo katulad ng post-traumatic stress disorder at traumatic brain injuries.