HINDI lahat ng sugat ay tinatahi. Kung ang hiwa ay malaki at malalim, doon kakailanganin ang pagre-repair dito. Kung hindi aayusin ang nalikhang guwang ng sugat, pupunuan ang naturang guwang ng granulation tissue na magbibigay-daan sa pagkakaroon ng peklat. At hindi ito magandang tingnan sa balat!
Kung kakailanganin ang pagtatahi (stitches), dapat ay hugasan munang maigi ng tubig at sabon ang sugat o hiwa, at pahintuin ang pagdurugo. Kung nakabuka ang sugat, pagdikitin ang nagkahiwalay na balat at masdan kung mas magandang tingnan ang pinagdikit na balat. Saka ka magdesisyon na magpatahi ng sugat. May iba kasi na sa sobrang takot sa iniksyon ay ayaw nang magpatahi kahit kailangang-kailangan. Kapag nangyari ito at hinayaan na lamang ang sugat, kusang maghihilom ito pero hindi na magdidikit ang naghiwalay na balat. Pilat sa gitna nito ang maiiwan.
Dapat nating tandaan na ang pagtatahi ng sugat ay kailangang gawin sa loob ng 8 oras matapos na masugatan o mahiwa. Ang mga hiwa sa balat na agad ding tinahi ay hindi nag-iiwan ng malaking pilat. Minsan nga, depende sa galing ng doktor na nagtatahi, hindi nagiging pansinin ang pilat na maiiwan.
Kailan kakailanganin ang tahi para sa sugat? Sa mga sumusunod na kondisyon ay maipapayo ko ang pagpapatahi ng sugat:
- Malalim na hiwa na higit pa sa ¼ inch ang lalim, na hindi makinis ang tagiliran o nananatiling nakabuka kapag binitawan
- Malalim na hiwa sa joints gaya ng siko, tuhod, at bukong-bukong
- Hiwa sa mukha, talukap ng mata, o labi
- Malalim na hiwa na umaabot sa mga kalamnan at buto
- Mga hiwang patuloy ang pagdurugo kahit na diniinan mo pa ng 15 minuto.
- Kailangan ding tahiin ang mga hiwa sa parte ng katawan na ayaw mong magkaroon ka ng pilat, gaya ng mukha.
Puwede rin bang hindi magpatahi ng sugat?
Nasasaiyo na ‘yun. Kung okey lang sa iyo na may maiwang pilat sa lugar na nasugatan o nahiwa, puwede ka ng hindi magpatahi. Pero may ilang kondisyon na talagang hindi na mangangailangan ng pagtatahi. Gaya ng mga hiwa na mabababaw lamang at wala pang ¼ inch ang lalim at wala pang isang pulgada ang haba. Ang mga hiwa rin na may makikinis na edges na nananatiling magkadikit naman at hindi bumubuka sa normal na galaw ng apektadong bahagi ay puwede na ring hindi tahiin.
Kung talagang conscious kayo sa inyong balat, lalo na kung ang sugat ay nangyari sa gawing mukha, hingin ang serbisyo ng isang plastic surgeon upang maingat na mapagdikit ang mga sugat.