NAAALARMA ang mismong tanggapan ng Social Welfare and Development sa mga natatanggap nilang sumbong mula sa iba’t ibang probinsya.
Pinag-iingat ang publiko sa mga kongresistang nagpapamudmod umano ng pera at sinasabing “bonus” daw ito galing sa kanilang bulsa.
Ayon kay DSWD Sec. Dinky Soliman, ibinibigay nila ang nakalaang conditional cash transfer (CCT) fund o Pantawid Pamilya Pasada Program (4Ps) sa mga mahihirap na pamilya.
Subalit, sa halip na sabihing ayuda ito ng pamahalaan ang kanilang boladas, galing sa kanila. Ang kakapal nang mukha sa pantu-tsubibo sa taumbayan sa pag-aakalang makakakuha ng boto at suporta sa kanilang balwarte.
Mga salat nating kababayan ang pinagsasamantalahan ng mga trapong pulitiko. Mga pamilya o indibidwal na salat sa kaalaman, salat sa materyal na bagay, salat sa kaalamang ispiritwal o sa maikling salita ang 75% ng populasyon na mga mahihirap.
Patronage politics ang tawag dito. Pagpapaniwala ng mga pulitiko na sila ang dapat luhuran at gawing ‘Diyos’ ng mga tao sa kanilang probinsya.
Hindi na bago ang ganitong mga uring mga pambababoy ng mga pulitiko na kuntodo aktibo tuwing papalapit na ang eleksyon. Sa mga kaganapang ito, sana natuto na ang taumbayan.
Tulad ng paulit-ulit kong sinasabi sa aking programa, nasa kamay ni Juan at Juana Dela Cruz ang kapalaran ng bansa sa pamamagitan ng balota sa darating na halalan.
***
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.