HINDI ba nangangamba ang Department of Education (DepEd) sa nangyayaring sunud-sunod na food poisoning sa mga paaralan? Tila ba hindi malaking isyu sa DepEd ito sapagkat hanggang ngayon ay walang direktiba o kautusan sa mga namumuno sa school na huwag hayaan ang mga estudyante na basta bumili ng pagkain na tinda sa labas ng paaralan. Hihintayin pa ba ng DepEd na may tumirik na mga mata bago maghigpit ukol sa nangyayaring pagkalason?
Kahapon, isang insidente na naman ng pagkalason ang naganap. Nangyari ang pagkalason sa isang paaralan sa Calamba City, Laguna. Umano’y isang feeding program ang naganap sa Real Elementary School, Bgy. Real. Namahagi ng cup cake at ice candy ang mga organizer ng feeding program sa 314 estudyante. Pero makaraang kumain, dumaing nang pagkahilo at pagsusuka ang mga estudyante. Dinala sa iba’t ibang ospital ang mga estudyante.
Noong Hulyo 10, 300 estudyante ang nalason sa kending gawa sa durian at mangosteen sa Surigao del Sur noong Hulyo 10. Ipinasara na ang factory na nadiskubreng walang permit sa Food and Drugs Administration ang factory. Kasunod ng durian kendi ay ang pagkalason naman ng pitong mag-aaral sa Iloilo City dahil sa pagkain ng ube cake na binili umano sa mga vendor sa labas ng eskuwelahan. Nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae ang mga estudyante sa Pakiad Elementary School sa Oton.
Noong nakaraang linggo, siyam na estudyante sa Juan Sumulong High School sa Cubao, Quezon City ang nalason sa kinaing macapuno candies. Anim sa mga estudyante ang na-intensive care unit (ICU). Ayon sa mga estudyante binili nila ang macapuno candies sa isang kabataang lalaki na umano’y estudyante rin at nagtitinda ng macapuno para may panggastos sa pag-aaral.
Kasabay ng pangyayaring iyon, 57 estudyante sa Sultan Kudarat ang nalason sa kinain nilang okoy. Binili nila ang okoy sa isang vendor sa labas ng paaralan. Isinugod sa ospital ang mga bata.
Nakababahala na ang mga nangyayaring ito. Kumilos na sana ang DepEd at ganundin ang DOH para masiguro na malinis ang mga binibiling pagkain ng mga estudyante. Maghigpit ang school authorities sa mga vendor na nasa paligid. Payo rin sa mga magulang na ipaghanda na lamang ng baon ang mga anak para hindi na bumili ng pagkain sa school.