Mga hunyango at paruparo, uso na naman ngayon

HABANG nalalapit ang eleksiyon ay muling nauuso ang mga hunyango at paruparong pulitiko sa bansa.

Ang hunyango, kahit saan kumapit ay nagiging kakulay nito at ang paruparo naman ay puwedeng dumapo kahit saan.

Nakalulungkot dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagkakaroon ng pagbabago sa sisyema ng pulitika sa bansa.

Nagsilabasan na ang hunyango at paruparo dahil marami na ang naglilipatan ng kanilang suporta sa mga kakandidato sa 2016 presidential elections.

Ang pinakamasaklap dito, ang pangunahing batayan ng mga lumilipat ngayon ay dahil sa resulta ng survey.

Nangunguna sa mga survey para maging Presidente ay si Sen. Grace Poe kaya naman maraming pulitiko ang dumidikit na rito.

Wala man lang akong narinig na kaya lilipat ang isang kandidato ay dahil nagustuhan niya ang plataporma kundi dahil sa mas malaki ang posibilidad na manalo sa eleksiyon.

Kung tutuusin, hindi pa dapat na lumipat ang mga pulitiko dahil hindi pa naman nagdedeklara si Poe na kakandidato sa 2016 at wala pa nga itong inilalatag na plataporma.

At higit sa lahat, wala pang nakaaalam kung kuwalipikado nga si Poe dahil may isyu sa kanyang citizenship. Paano kung idiskuwalipika siya ng Supreme Court? Anong gagawin ng mga hunyango at paruparo? Lilipat uli sa ibang kandidato?

Kung ganito pa ring uri ng mga pulitiko ang mamumuno sa gobyerno, huwag nang umasa na uunlad ang Pilipinas.

 

Show comments