“KAKAIN kami ng Papa mo sa paborito naming restaurant pagkatapos naming magsimba,” sabi ni Mam Violy habang nakahawak sa braso ni Tatang Nado. “Baka gusto mong sumama Noime?”
“Kayo na lang, Mama. Mabuting nagkakasarilinan kayong dalawa. Pero yung usapan natin na mag-aabroad, tuloy yun. Akong bahala sa gastos.’’
“Aba e di mag-book ka na, Noime,’’ sabi ni Mam Violy.
“Naka-book na, Mama. Sa Bangkok tayo pupunta. Pagkatapos ng Bangkok, sa Japan naman.’’
“Talaga? Gusto ko makarating din sa Hong Kong at Australia,’’ sabi pa ni Mam Violy.
“Walang problema. Ikaw Papa, saan mo pa gustong makarating?’’
“Kayo ng mommy mo ang bahala. Kung ano ang gusto n’yo, e gusto ko na rin. Basta ngayon, masayang-masaya ako dahil kapiling kayo.’’
Napatingin sina Mam Violy at Noime kay Tatang Nado. Seryoso sila.
“Noon sabi ko, basta’t mapatawad lang ninyo ako, maligaya na akong mamamatay. Iyon lang talaga ang hinihiling ko. Pero binigyan pa ako nang sobra-sobra ng Diyos. Ngayon ay makakapag-abroad pa pala ako kasama kayo. Maligayang-maligaya ako, Noime.’’
“Ako man, maligaya rin,” sabi ni Mam Violy at yumakap sa asawa.
Gustong mapaiyak ni Noime. Buo na ang kanilang pamilya at wala na yata siyang mahihiling pa.
“Pero mayroon sana akong hihilingin sa’yo Noime,” sabi ni Tatang Nado.
“Ano yun Papa. Sabihin mo at ibibigay ko.’’
“Gusto ko ay apo!’’
Hindi nakapagsalita si Noime.
“Kailan mo kami bibigyan ng apo?’’
“Darating din ’yun Papa. Huwag kang mainip.’’
SAMANTALA nang mga sandali namang iyon ay ipinasyal ni Mam Diana sina Princess at Precious sa mga ari-arian nito sa Maynila.
Ipinakita ang condominium sa Recto.
“Lahat nang mga ari-arian ko ay para sa inyo, Princess at Precious. Lahat ay ipamamana ko sa inyo. Hindi lamang ang narito sa Pilipinas kundi pati na rin ang mga property ko sa Australia. Lahat nang kasaganaan ay ipatitikim ko sa inyong dalawa. Gusto kong makabawi sa mga nagawa kong pagkukulang hindi lamang sa inyo kundi pati na rin sa inyong papa.”
Niyakap nina Princess at Precious ang kanilang mama.
(Itutuloy)