NOONG 2014 ay isang team mula sa Sweden ang sumali sa Adventure Racing World Championship – isang 430-milyang karera sa Ecuador. Hindi biro ang karera na para lamang sa mga mahihilig sa extreme sports dahil kailangan ng mga kalahok na magbisikleta, mag-kayak, at mag-hike sa isang napakasukal na kagubatan.
Nasa huling bahagi na ng karera ang Swedish team nang matagpuan nila ang isang asong pagala-gala habang sila ay nagpapahinga at kumakain ng tanghalian sa gitna ng kagubatan. Takang-taka sila sa kanilang natagpuang aso dahil hindi sila makapaniwalang nagawa nitong maka-survive sa isang masukal at mapanganib na lugar na katulad ng kagubatang kanilang kinaroroonan.
Sugatan at gutom na gutom ang aso na pinangalanan nilang Arthur kaya binigyan nila ito ng kinakain nilang meatballs. Simula noon ay sinundan na sila ng aso kahit saan man sila pumunta.
Hindi ininda ng aso ang pagiging sugatan nito dahil hindi ito pumayag na magpaiwan sa Swedish team kahit noong lumusong pa sila sa putik. Hindi rin sila iniwan ng aso habang naghihintay ng medical aid ang isa sa kanilang miyembro dahil sa tinamo nitong injury. Sinubukan nilang iwanan ang aso dahil kailangan na nilang magbangka para tawirin ang ilog. Nagpaalam na sila dito ngunit lumusong pa rin ito sa tubig at lumangoy kasabay ng kanilang bangka upang hindi nila maiwan.
Naawa na ang mga kalahok mula sa Sweden kaya isinakay na nila ito sa kanilang maliit na bangka kahit na siguradong matatalo sila dahil babagal ang kanilang pagtawid sa ilog.
Nang matapos na ang karera ay kinupkop na ng mga miyembro ng team si Arthur na dinala na nila sa Sweden. Hindi pa rin makapaniwala ang lahat dahil nagawang makatagal ng aso sa napakahirap na karera sa kabila ng masamang kondisyon nito.