Bakasyunan na!

Matindi na ang naranasang pagsisikip ng trapik sa South at North Luzon Expressway noon pa lamang Biyernes dahil sa pag-uuwian sa mga lalawigan ng marami nating kababayan.

Siguradong ngayong araw na ito kung hindi man madoble ang volume ng mga sasakyan, eh malamang na mas dumami

ito kaysa noong nakalipas na linggo.

Maaga na kasi ngayong nagsisiuwian ang ating mga ka­babayan na gugunita sa Semana Santa sa kanilang mga lalawigan.

Mahaba-habang bakasyon ito, ang iba nga eh hindi na ipapasok ang tatlo pang araw at sasagarin na ang bakasyon ng isang linggo kaya nga ramdam na ang maraming sasakyan na lumalabas ng Metro Manila.

Sa ganitong mga panahon,  masarap magbiyahe sa Metro Manila dahil siguradong magluluwag ang trapik dito, magsikip man ay yaong malapit lang sa mga terminal.

Ang pihado namang magdidilim sa trapik ay yung mga daan na palabas ng Metro Manila kaya nga sa mga magbibiyahe magbaon ng mahabang pasensya.

At dahil nga sa mangongonti ang tao sa Metro, ang dapat mabantayan naman dito ay ang pag-atake ng mga kawatan.

Noon pa lamang nakalipas na linggo ay naka-heightened alert na ang PNP para magabayan at bigyang seguridad ang mga maglalakbay.

Pero kasama na rin dito ang pagbabantay sa mga maaaring magsasamantalang kawatan.

Sa mga magbibiyahe, ingatan ang inyong mga bagahe, nagkalat ang mga salisi. Sa mga iiwan namang bahay o kabuhayan kailangan may bibilinang magbabantay, baka masalisihan naman ng akyat bahay.

Kailangan ang madalas na pagpapaytrulya ng pulisya kasama na ang mga opisyal na barangay.

Huwag papormahin ang mga kawatan na ito na siguradong ngayon pa lamang ay nag-iisip  ng kanilang gagawing modus o pag-atake.

Sana hindi lang ang pagpapatrulya ng pulisya ang kailangan maging ang mga tauhan ng barangay.

Ingat po sa mga paglalakay!

Show comments