Tamang paggamit ng cell phone

KAMAKAILAN, sinabi ng World Health Organization (WHO) na posibleng magdulot ng kanser sa utak ang madalas na paggamit ng cell phone. Ngunit hindi pa ito 100% kumpirmado. Ganunpaman, walang masama kung tayo ay mag-iingat sa paggamit ng cell phone.

Ayon sa isang pagsusuri (Interphone Study), ang matagalang paggamit ng cell phone ay posibleng makapagdulot ng brain tumor (bukol sa utak). Sa mga taong gumamit ng cell phone ng lampas 10 taon, mas marami ang nagkakaroon ng brain tumor (kanser sa utak) sa lugar na madalas pinaggagamitan ng cell phone. Mayroong kasing signal o radiofrequency radiation ang mga cell phones.

Katulad ng mga medical test na MRI o CT Scan, mataas ito sa radiation at puwedeng makapagdulot ng kanser. Mas mababa naman ang radiation ng cell phone. Kaya lang, madalas natin itong ginagamit at malapit pa masyado sa ating utak.

Para makapag-ingat, heto ang mga payo ni Dr. David Servan-Schreiber, isang dating director ng Center of Integrative Medicine sa University of Pittsburgh:

(1) Huwag pagamitin ng cell phone ang mga batang 12 edad pababa. Mas sensitibo ang utak ng mga bata kaysa matanda.

(2) Ilagay sa speaker-phone mode ang iyong cell phone o gumamit na lang ng ear phone. Ito’y para mailayo sa katawan natin ang cell phone.

(3) Huwag lumapit sa isang taong gumagamit ng cell phone.

(4) Huwag matulog na kasama ang cell phone. Huwag ilagay sa ilalim ng unan. Huwag din itong palaging dalhin sa bulsa. Kahit naka-standby mode, may radiation pa rin iyan.

(5) Kung kailangan mong dalhin ang cell phone, iharap ang keypad sa iyong katawan. Mas mataas kasi ang radiation sa likod ng phone dahil sa antenna device.

(6) Limitahan sa 3-5 minuto lang ang pag-uusap sa cell phone. Gumamit na lang ng landline. Ang cordless o wireless phone ay may radiation din.

(7) Mag-text na lang, para mas malayo ang cell phone sa utak natin.

(8) Ilipat-lipat ang paggamit sa cell phone. Minsan sa kanang tainga, minsan sa kaliwa.

(9) Huwag mag-cell phone kung mahina ang signal, tulad ng kung kayo ay nasa sasakyan. Ito’y dahil kusang pinapalakas ng cell phone ang radiation niya para hindi mawala ang signal.

(10) Pumili ng cell phone model na mababa ang SAR o Specific absorption rate. I-check ito sa internet. Ito ang sukat ng magnetic field ng cell phone na maa-absorb ng ating katawan. Good luck po!

 

Show comments