NAGING viral sa social media ang photo ng apat na detainees na nilipat mula Manila Police District (MPD) patungong Manila City Jail. Nakunan ng isang tabloid photog ang apat at ini-upload ito sa internet. Nakita ang apat na detainees na nakagapos ng kadena sa halip na posas. May mga kandado pa ang mga kadena para masigurong hindi makakatakas ang mga detainees na may kasong human trafficking at murder. Pinagkabit-kabit ang mga kadena.
Dumepensa naman ang MPD sa ginawa ng dalawang pulis na nag-eskort sa apat na detainees. Ayon sa pamunuan ng MPD, mahinang klase ang posas at maaaring matanggal habang ibinibiyahe ang apat. Ang pagkakadena sa apat ay para raw makasiguro ang dalawang pulis na escort na hindi makakatakas o kaya’y makakapang-agaw ng baril ang detainees. Kadalasan umano na habang dinadala o nililipat ng kulungan ang detainees ay nang-aagaw ng baril at saka tumatakas. Ayon pa rin sa MPD, dalawa lang daw ang escort kaya minabuting ikadena ang mga apat na detainees. Gayunman, sinabi ng MPD na sinibak na sa puwesto ang dalawang escort at iniimbestigahan na.
Kung para sa seguridad ang ginawa ng dalawang police escort, bakit naman kailangang sibakin ang dalawa. Dapat pa nga silang purihin dahil gumawa ng paraan para hindi makatakas o makapang-agaw ng baril ang detainees. Kapag nakatakas ang mga bilanggo, sila ang sisisihin kaya tama lamang ang ginawa nila at wala namang nilabag na karapatan.
Ang dapat na sisihin ay ang kahinaan ng PNP sa pagbili ng mga mahuhusay na posas. Pawang dispalinghado ang posas na madaling kalasin kaya nakakatakas ang mga preso. Dahil sa corruption sa PNP kaya ang nabibiling mga posas ay mahihinang klase. Mas maganda pa nga kung kadena na lang ang isuplay sa mga pulis kaysa posas. Sa kadena, siguradong hindi makakatakas ang bilanggo. At siguro’y hindi gagastos nang malaki ang PNP dito.