Manong Wen (244)

NANG makarating sa ospital ang ambulansiya ay mabilis na isinugod sa ER si Tatang Nado. Mahalaga ang bawat segundo sapagkat marami nang dugo ang nawala sa matanda. Malubha ang tama nito.

Nakaalalay si Jo kay Mam Violy. Alam niya na labis ang pag-aalala ni Mam Violy sa asawa.

“Jo, ano kaya ang lagay ni Nado?’’ tanong nito. Halos paos na ang tinig dahil sa pag-iyak kanina. Mugto na rin ang mga mata.

“Makakaligtas po siya Mam Violy. Ipanatag mo ang loob mo.’’

“Bakit kinakabahan ako, Jo?’’

“Pawang positive po ang isipin mo Mam. Makaka­ligtas po si Tatang Nado.’’

Napayakap sa kanya si Mam Violy. Tinapik-tapik ni Jo ang balikat. Napayapa si Mam Violy. Niyaya ni Jo na maupo sila sa mga silyang malapit sa nurses’ station. Doon nila hihintayin ang sasabihin ng mga doctor ukol sa kalagayan ni Tatang Nado.

“Kung mawawala si Nado, baka hindi ko makayanan, Jo.’’

“Hindi po siya mawawala.’’

“Gusto ko, magkasama pa kami nang matagal. Babawiin namin ang mga taon na nagkahiwalay kami.’’

“Matutupad po ‘yun, Mam Violy. Magtiwala ka sa Diyos­.’’

“Nang magtungo ka sa bahay para sabihin ang tungkol kay Nado, nagsinungaling lang ako. Hindi talaga ako galit kay Nado. Sa totoo lang gusto ko nang sabihin na dalawin na niya kami. Pero pinigil ko lang ang sarili. Siyempre may pride pa rin naman ako. Pero gusto ko na kayong habulin ng kasama mong babae nang umalis kayo sa bahay. Gusto kong bawiin ang mga sinabi ko ukol kay Nado.’’

“Mahal mo pala talaga siya.’’

“Oo. Matagal ko na siyang pinatawad.’’

“Salamat naman po at pinatawad mo siya.’’

“Gusto ko lang malaman kung paano nalaman ni Nado ang bahay ko. Bakit naka­rating agad siya roon at na­iligtas ako?”

“Matagal ka na pong sinusubaybayan ni Tatang Nado. Lagi po siyang nasa tapat ng tindahan mo --- sa coffee shop at binabantayan ka.’’

Hindi makapaniwala si Mam Violy.

“Araw-araw po, nasa coffee­ shop si Tatang Nado. Matiyaga siyang nakabantay sa’yo.’’

Napaluhang muli si Mam Violy.

“Sabi po ni Tatang Nado, gusto ka niyang makita lagi. Umaasa po siya na mapapatawad mo.’’

“Matagal ko na siyang pinatawad. Noon pa.’’

Maya-maya, natanaw nila ang paparating na doctor at nurse. May ibabalita.

(Itutuloy)

Show comments