Ilang araw nang litung-lito ang mga may transaksyon sa city hall ng Makati.
Ngayong araw ng Lunes, siguradong sangkaterba ang may transaksyon sa city hall, saan daw ba talaga sila dapat pumunta.
Aba’y hindi nila alam kung sino ang dapat pumirmang mayor sa kanilang mga papeles at dokumento.
Ito’y dahil hanggang sa ngayon dalawa ang tumatayong mayor sa lungsod.
Si Mayor Junjun Binay na nag-oopisina sa bagong gusali habang ang kanyang Vice Mayor na si Romulo Peña na nasa dating city hall naman nagtatanggapan.
Tapatan ang tanggapan ng dalawang mayor, hindi alam ng mga may transaksyon kung saan pupunta at kung sino ang kailangang pumirma.
Hindi lang mga ordinaryong tao na may kailangang ayusin sa city hall ang nalilito, maging ang mga negosyante nga eh nananawagan na rin sa kinauukulan na resolbahin na ang nangyayaring ito sa Makati.
Bukod dyan, maging ang mga empleyado mismo sa city hall, hindi rin malaman kung sino ang kanilang susunduin lalu pa nga;t nagpapalabas ng mga kautusan at memorandum ang magkabilang panig, aba’y paano nga daw ba ang kanilang gagawin.
Lalu pa nga raw nagiging komplikado sa ibat-ibang pahayag ng mga opisyal ng gobyerno na may ibat-ibang interpretesyon sa nangyayaring sitwasyon sa Makati.
Sa kada mga pahayag, may ipupukol namang mga kasuhan, sino daw ba talaga ang tama rito.
Siguro kung may nakasampang apela sa Korte Suprema , eh marahil sila na ang magdedesisyon dito. At kung meron man sana ay agad na itong resolbahan para tumigil na ang magkabilang panig na ito na talaga namang ang gulo-gulo.
May ilang malilikot ang isip naman na nagsasabing, sadya raw na ginugulo ang sitwasyon sa Makati para matakpan ang isyu sa Mamasapano kung saan nakatuon at nakatutok ang marami nating kababayan sa sinasabing pananagutan ng Pangulong Aquino.
Anut-anuman, aba’y ang taumbayan lalu na ang mga taga-Makati ang nahihirapan sa ganitong sitwasyon kaya nga ang kanilang sigaw na eh, saklolo na at resolbahan na ito.