Mga Hindi N’yo Alam

…tungkol kay Floyd Mayweather Jr.

 

PANGKARANIWAN nang tanawin sa bakuran ng batang si Floyd Mayweather tuwing uuwi siya sa bahay nila mula sa eskuwelahan: Mga nakakalat na panturok ng heroin na ginamit ng kanyang ina, at iba pang kamag-anak. Adik kasi ang kanyang ina. Ang kanyang isang tiyahin ay namatay sa AIDS na ang pinag-ugatan ay ang pagiging adik sa drugs. Ang tatay niya bukod sa pagiging boksingero ay naging ‘tulak’ ng drugs.

Kung siya ay nagmula sa pamilya ng boksingero (ama at mga tiyuhin), galing din siya sa pamilya ng adik (ina at tiyahin). Kung ilalarawan ang naging buhay niya noong bata pa, magiging “understatement” kung sasabihing mahirap pa siya sa daga. Minsan ay inilarawan niya ang kanyang pinagdaanang hirap noong araw – IMPIYERNO.

Hiwalay ang kanyang mga magulang. Palipat-lipat siya ng bahay, minsan sa ina, minsan sa ama at nang makulong ang ama dahil sa drugs, inihabilin siya ng ama sa lola. Kapag nagpapalipat-lipat siya ng bahay, ang tanging baon niyang gamit ay isang pares ng sapatos, tatlong pirasong t-shirt at tatlong pantalon. Iyon ang pinagpapalit-palit niya sa araw-araw na pagpasok sa school. Para magkaroon ng pambili ng hamburger, nagpe-perform sila ng kanyang kaibigan ng “back flips” sa mga turistang nasa hotel malapit sa kanila. Ang back flip ay paikot-ikot na pag-tumbling nang patalikod.

Noong beybi pa siya, ginawa siyang human shield ng ama nang minsang napaaway ito sa  kanyang bayaw. Sanggol pa lang ay nadadamay na sa gulo ng pamilya. Sabi ng tatay niya: Ako ang humubog sa iyo kaya ka naging mahusay na boksingero! Ngunit kinontra ito ng anak. Sabi ni Mayweather Jr: Umasenso ako dahil sa aking sariling pagsisikap.

Ayaw niyang kilalanin ang naitulong ng ama dahil napakalaki ng hinanakit niya dito. Mas kinikilala pa niya ang kontribusyon ng kanyang lola. Ito raw ang nagbigay sa kanya ng ideya na gawing propesyon ang boksing dahil nakita ng matanda na may potensiyal siya. Sinumbatan pa niya ang ama at sinabing: Mas mahal mo ang aking stepsister. Hindi mo siya pinapalo kahit kailan. Ako ang lagi mong sinasaktan. Kaya wala kang ginawa sa akin. Wala kang naitulong. Isa pa, nasa kulungan ka habang ako ay lumalaki. Paano mo sasabihing malaki ang naitulong mo sa akin?  (Itutuloy)

 

Show comments