(Last Part)
HABANG ibinabahay ni MacArthur si Dimples sa isang apartment malapit sa kanyang opisina sa White House, nakukuha pa nitong umuwi sa bahay ng ina tuwing noon break para magkasalo silang dalawa sa tanghalian. Ganoon sila kalapit na mag-ina. Noong first year pa lang sa US Military Academy sa West Point si MacArthur, nangupahan sa isang apartment malapit sa academy si Mary Pinkney “Pinky” MacArthur para lagi niyang nasusubaybayan ang anak.
Hindi makaya ni MacArthur na ipakilala si Dimples sa kanyang ina. Magkahalong takot na hindi nito magustuhan ang kinakasama at magiging ugat lang ng samaan ng kanilang loob. Wala rin makapagsabi kung hindi talaga alam ni Pinky na may bagong babae ang anak o dinededma lang niya ang sitwasyon. Noon ay 80 years na ito.
Sinasabing binubusog ng regalo ni MacArthur si Dimples. Palibhasa ay sanay sa buhay showbiz, hindi natagalan ni Dimples ang pagkukulong sa apat na sulok ng apartment, kahit pa binubusog siya sa materyal na bagay. Para may magawa, nag-enrol ito sa Law school. May mga lalaki siyang nakilala na ipinagselos naman ni MacArthur. Tapos dumagdag pa sa pressure na nabisto ng gossip columnist ng Washington Post ang pakikipagrelasyon niya kay Dimples. Nalathala ito sa diyaryo kaya inihabla ni MacArthur ang kolumnista. Hindi raw totoong may itinatago siyang babae. Noon ay hiniwalayan na niya si Dimples.
Pero iniurong din kaagad ang demanda dahil may ebidensiya ang kolumnista – hawak nito ang mga liham na ipinadala nila sa isa’t isa. Si Dimples mismo ang nagbigay ng sulat sa kolumnista. Upang huwag nang lumawak ang eskandalo, binayaran niya ang kolumnista para ibigay sa kanya ang mga sulat na gagamitin sanang ebidensiya. Si Dimples ay binigyan din niya ng $15,000 para makasimula ng bagong buhay.
Nilisan ni Dimples ang Washington at lumipat ng ibang state. Gamit ang perang natanggap kay MacArthur, nagtayo ito ng hairdressing salon. Hindi na siya nagkaroon ng iba pang karelasyon hanggang sa bawian siya ng buhay noong 1960. May nagsabing nagpakamatay daw ito dahil sa sobrang lungkot sa nangyari sa kanyang buhay pag-ibig. Si MacArthur ay nagkaroon ng pangalawang asawa at namatay noong 1964.
Sources: Wikipedia, seniorenrique.blog.com, pbs.org, thedailybeast.com