ISANG tuta na isang linggo pa lamang naipapanganak ang nakaligtas matapos aksidenteng mai-flush ng batang amo nito sa United Kingdom.
Ang tuta, na may pangalang Dyno at isang cocker spaniel, ay himalang nabuhay sa kabila ng pagkaka-trap nito ng apat na oras sa tubo kung saan siya inanod matapos siyang aksidenteng mai-flush ng apat na taong gulang na si Daniel Blair.
Ayon kay Daniel, ginusto lamang niyang paliguan ang kanyang alagang tuta kaya niya ito dinala sa inidoro. Hindi niya raw sinasadyang i-flush ang tuta kaya nagulat siya nang hinigop na ito ng inidoro.
Agad namang tumawag ang mga magulang ni Da-niel ng mga bumbero upang masagip ang kawawang tuta. Dumating ang mga bumbero upang tumulong ngunit kulang sila sa mga kagamitan upang mahanap kung saang tubo lumusot ang tuta. Kaya naman nagpatulong na sila sa drainage company na Dyno-Rod na may mga makabagong kagamitan na maaring tumukoy kung nasaan ang tuta.
Hindi naman sila nagkamali sa paghingi ng tulong sa Dyno-Rod dahil natunton ng drainage company kung saang tubo inanod ang tuta gamit ang kanilang napakaliit na camera na maaring sumuot sa mga tubo. Napag-alaman nilang inanod mula sa bahay nina Daniel ang tuta sa layong 20 metro. Nang mahanap ng camera ang tuta ay ginamit naman ito ng Dyna-Rod sa pagtulak sa tuta palapit sa isang manhole kung saan nakaabang ang mga bomberong mag-aahon sa kanya.
Naging matagumpay ang pagsagip sa tuta na ngayon ay isa nang malusog na aso na pinangalanang Dyno matapos ang insidente bilang pasasalamat sa kompanyang tumulong sa pagliligtas sa kanya.