MULA sa mga guhit sa papel, unti-unting na bibigyang buhay. Kinumpleto ang sangkap – lupa, semento, kahoy, pako at yero hanggang sa makabuo ng silid na tutulong sa pagtupad sa pangarap ng libo-libong estudyante ng pampublikong paaralan sa Malabon at Pampanga.
Sabik na naghihintay ang mga estudyante sa pagtatapos ng mga bagong silid-aralan sa kanilang eskwelahan. Ito ay mula sa pondong ibinigay sa kanila ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ang PAGCOR ay nakipagtulungan sa Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagpapagawa ng multi-storey buildings sa ilang pampublikong paaralan sa ilalim ng “Matuwid na Daan sa Silid-Aralan” project. Kasama sa mga benipisyaryo ay ang Ninoy Aquino Elementary School (NAES) sa Malabon City, Pampanga High School (PHS) -- na 108 taon na ang tanda – sa San Fernando, Pampanga, at ang Bonifacio V. Romero Memorial High School (BVRMHS) sa Angeles City. Tatlumpu’t dalawa (32) ang silid na gagawin sa NAES sa Malabon City habang 33 naman ang itatayo sa PHS at BVRMHS sa Pampanga.
Sa groundbreaking ceremonies ng mga bagong gusali, ibinahagi ni PAGCOR Chairman at CEO Cristino Naguiat, Jr. na dahil sa matalinong paggamit ng pondo, ang PAGCOR ay nakapag laan ng pitong bilyong piso para sa pagpapagawa ng mga silid aralan para sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa. “Ang prayoridad namin ay ang makatulong sa mga batang nag-aaral sa pampublikong paaralan. Alam namin na karamihan sa kanila ay galing sa mahihirap na pamilya, sila ang mga may malalaking pangarap na mapaayos ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng magandang edukasyon para sa kanilang mga anak. Maluwag at bagong mga silid ang maibibigay ng PAGCOR upang matulungan silang matupad ito,” ani Naguiat.
Dagdag pa niya na bukod sa pagpapagawa ng mga school buildings, ang PAGCOR ay nagpaplanong maglagay ng computer laboratories sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa. Samantala, malaking ginhawa ang hatid nito sa mga unang pampublikong paaralan na benipisyaryo ng school building program ng PAGCOR. Ayon sa punong guro ng NAES na si Dr. Marizza Cristobal, mayroon lamang silang 34 na silid para sa 5, 573 na estudyante. Dahil dito, marami sa mga estudyante ang nagkaklase sa school lobby, stage, library, o kung saan may lugar na maaring gamitin. Dagdag pa niya, kapag tapos na ang mga bagong silid, mareresolba na ang 21 silid na kulang nila at may sobra pa na maaari nilang gamitin bilang laboratories. Si Princess Palacios na nasa unang baitang, ay isa sa daan-daang estudyante ng NAES na sa kasalukuyan ay apektado ng problema sa kakulangan ng mga silid. Sa ngayon ang kanilang klase ay idinadaos sa school lobby. Bukod pa rito, maninipis na plywood lamang ang kanilang ginagamit upang mahati ang silid. Kaya naaabala ang kanilang pag-aaral dahil sa ingay.
“Hindi ko po maintindihan kung minsan ang tinuturo ni Teacher dahil maingay,” kwento niya. Sa kanyang murang edad, alam ni Princess kung gaano kaimportante ang edukasyon.
“Gusto ko pong makatapos ng pag-aaral para matulungan ko ang nanay ko na magkaroon ng pera pambili ng pagkain,” dagdag niya.
Gusto niyang maging isang guro upang makapagturo din sa mga bata na katulad niya kung paano magbasa at magsulat. Inaasahan na kapag kumpleto at natapos na ang 32 na silid aralan, magiging maayos na ang kanilang pag-aaral.
Ibinahagi naman ng Mayor Antolin Oreta ng Malabon City na nagbigay dangal sa school building groundbreaking sa NAES, na kahit ang prayoridad ng gobyerno ng lungsod ay ang edukasyon, marami pa rin sa mga pampublikong paaralan ang may problema sa kakulangan ng mga silid aralan.
“Malaking challenge ang migration ng mga bata. May dumadating at may umaalis pero mas madami and dumadating kaya parating kulang ang mga facilities, teachers, classrooms at iba pa. Napaka-ganda nitong schoolbuilding project ng PAGCOR dahil marami itong natutulungan…hindi lamang sa Malabon kundi pati sa public schools sa buong Pilipinas,” wika niya.
Sa probinsiya ng Pampanga, ang school administrator ng PHS at BVRMHS ay natutuwa din sa mga bagong silid aralan sa ipapatayo ng PAGCOR sa kanilang paaralan. Sabi ng head ng BVRMHS na si Edgardo Nuñag, hindi na nila gagamitin ang 20 taong gulang na sira-sira nang silid aralan. Ang mga silid na ito at pinagawa ng Mt. Pinatubo Commission para sa mga estudyante na ang pamilya ay naapektuhan nung pagputok ng bulkan na ngayon ay hindi na ligtas para gamitin. “Labis po ang aming pasasalamat sa PAGCOR. Magkakaroon na kami ng ideal learning environment. Hindi na rin magtitiis ang marami sa kanila na gamitin ang mga napaka-luma naming classrooms na bukod sa napaka-init na eh nababasa pa sila tuwing umuulan,” aniya. Samantala, ayon kay Oscar Rodriguez ang 3rd District Representative ng Pampanga, Malaki ang maitutulong ng mga karagdagang klasrum na ito sa kabataan na kanyang nasasakupan.
“Sa pagkakaroon ng mga karagdagang kagamitan, lalong lalabas ang kanilang galing sa klase. Sigurado ako na marami pang silid ang mabubuo sa tulong ng PAGCOR, dahil ang kanilang adbokasiya ay para sa pagtataguyod ng edukasyon,” dadag niya.
Sa ngayon, ang school building project ng PAGCOR at nakakumpleto na ng 1,080 na klasrum sa 228 na lugar sa buong bansa habang ang 958 ay binubuo pa. (KINALAP NI I-GIE MALIXI)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038.