HINDI ka ba nagtataka kung minsan na parang may gustung-gusto kang kainin? Hindi naman ito ang paborito mong pagkain pero may panahong hinahanap-hanap mo ito at nasasabik na kainin ito.
Ang pagpili ng kakainin ay may kaugnayan sa nararamdaman ng isang tao.
Natuklasan sa isinagawang pag-aaral ni Cynthia Power, isang psychotheraphist sa Chicago, ang mga sumusunod na katotohanan:
Kung may namumuong galit sa kalooban ng isang tao, mas gugustuhin niyang kumain ng karne upang ibunton ang galit niya sa pagnguya ng karne. Mas chewy ang karne, mas mabuti sa kanyang kalooban para mailabas niya ang kinikimkim na damdamin.
Kung nalulungkot ang isang tao at “feeling empty”, ang kadalasang pinipili niya ay mga nakakabusog na pagkain kagaya ng pasta at kanin para makadama ng pagiging “full” ang tiyan.
Chips, crackers at iba pang maalat na pagkain ang hinahanap-hanap ng taong nakakaranas ng sobrang stress.
Kung nalulungkot ay “comfort food” naman ang nagugustuhang kainin kagaya ng ice cream, macaroni or cheese.
Ang paboritong kainin ng sexually frustrated ay tinapay o doughnut o anumang mayaman sa carbohydrates na mabilis makabusog, malambot kagatin, mabilis nguyain at lunukin. Hangga’t maaari ay ayaw mapagod sa pagnguya ng pagkain ang mga sexually frustrated.