TINATAYANG 5,000 Australyano ang nagtipon sa Melbourne kamakailan upang isagawa ang isang kakaibang klase ng pagdiriwang.
Tinaguriang ‘Tomato Battle’, ang kaganapan ay isinasagawa sa Flemington race course kung saan nagbatuhan ang mga kalahok ng kamatis. Tinatayang 300,000 kamatis ang ginamit sa pagbabatuhan. Kahalintulad ng Tomato Battle ang La Tomatina ng Espanya kung saan taun-taon ay nagbabatuhan din ng kamatis ang mga kalahok bilang kasiyahan.
Hindi naman kailangang manghinayang sa libu-libong kamatis na ginamit sa kasiyahan dahil ayon sa organizers ng Tomato Battle ay pawang mga kamatis na sobrang hinog lamang ang kanilang ginamit. Patapon na rin ang mga kamatis na hindi na maaring kainin kaya hindi na kailangang manghinayang para sa mga ito.
Kailangang nakapanligo at naka-goggles ang mga lalahok sa Tomato Battle dahil siguradong mababasa ang sinuman mula sa katas ng kamatis na magtatalsikan. Subalit sa kabila ng pag-iingat na isinagawa ng mga organizers ay dalawang kalahok pa rin ang naospital dahil sa tinamong injuries sa batuhan ng kamatis. Hindi naman malubha ang natamong pinsala ng dalawang kalahok dahil stable na ang kondisyon ng mga ito.
Sa kabila ng pagtatamo ng injuries ng ilan sa mga kalahok ay tagumpay pa rin para sa organizers ang naganap na Tomato Battle kaya balak na nilang gawin itong taun-taon katulad ng La Tomatina ng Espanya.