WALA nang respeto sina SPD director Chief Supt. Henry Rañola at Makati COP Sr. Supt. Ernesto Barlam kay NCRPO chief Dir. Carmelo Valmoria kung ang close-open na operation ng peryahan sa Bgy. Olympia, Makati City ang gagawing basehan. Ang peryahan kasi ni alyas Dandan na matatagpuan sa Calasan St., Bgy. Olympia ay halos isang buwan nang nag-ooperate at dinudumog ng mga sugarol, pati na kabataan. Sa tingin ng mga kosa ko, may permit ito para sa mini carnival subalit wala namang rides dito kundi isang mahabang lamesa lang ng bingo, dalawang lamesa ng color games at isang drop ball. Subalit noong Miyerkules, ipinasara ni Valmoria ang mga color games at drop ball at tumalima naman si Dandan. Noong Huwebes at Biyernes, nagbukas ang color games at drop ball ni Dandan subalit nagsimula ito nang halos 10:00 ng gabi para hindi mapuna ng law enforcers. Malakas ang paniniwala ng mga kosa ko na kaya malakas ang loob ni Dandan na magbukas ng kanyang illegal na negosyo dahil may basbas siya, hindi lang nina Rañola at Barlam, kundi maging ni Bgy. Chairman Celso Balo. Boom Panes! Hehehe! Hindi ba ang patuloy na operation ng peryahan ni Dandan ay paglapastangan nina Rañola, Barlam at Balo kay Valmoria? Ano sa tingin n’yo mga kosa?
Matatandaan na nagpalabas ng ban laban sa color games, drop ball at iba pang sugal sa Metro Manila si Valmoria noong nakaraang taon. Kaya tulad nang kinaugalian tuwing Christmas, hindi nakapagbukas ang mga financiers ng peryahan sa Metro Manila. Nagsara nga ang malalaking peryahan tulad ng sa Pinatubo at West Point Sts. Sa Cubao, Quezon City at maging ang sa Parang, Marikina City. Subalit nitong 2015, maraming nagbukasang color games at drop ball sa hurisdiksiyon ni Rañola at tanda ito na binabalewala niya ang ban na iniutos ni Valmoria, di ba mga kosa? Tumpak!
Hindi ko naman kinukuwestiyon ang dignidad ni Valmoria dahil sa halos mahigit isang taon nito sa puwesto ay hindi ko nabalitaan na pitsa ang lakad niya. Subalit si Rañola at Barlam ang tawag sa kanila sa Camp Crame ay Smatakaw.m Magkano kaya…este bakit kaya? Si Valmoria ay magreretiro na sa Hulyo kaya sa tingin ko hindi niya sasayangin ang ilang buwan na lang niya sa PNP para dungisan ang pangalan n’ya, di ba mga kosa? Si Rañola ay sa Pebrero magreretiro samantalang si Barlam ay malapit na, kaya ang ugong sa Crame ay naglilikom na sila ng “pabaon.” Ang naglilipanang color games at drop ball sa SPD kaya ang ginagawang gatasan nina Rañola at Barlam? Boom Panes!
Si Barlam naman ay ginagawang negosyo ang kaharian ni Vice Pres. Jojo Binay at halos lahat, pati vendors at jeepney terminals, ay pinakikialaman para magkalaman ang bulsa, anang mga kosa ko sa Makati. Habang abala ang pamilya Binay sa pagsangga ng mga akusasyon laban sa kanila, abala din si Barlam sa pagkakakitaan. Teka nga pala, itong pergalan ni Dandan ay lilipat lang sa PRC sa Pasong Tamo, Makati kapag naipasara sila sa Bgy. Olympia. Kapag nagkataon, tuloy ang ligaya ni Barlam! Abangan!