EDITORYAL – Child traffickers, lambatin lahat!

MARAMING dayuhang sindikato ng child traffickers sa bansa. Naglipana rin dito ang pedophiles. Alam nilang madaling makakuha nang makakalarong mga bata dahil madaling tapalan ng pera ang mga magulang nito. Pakitaan lang ng P500 ang magulang ay kandarapa na sa pagbibigay ng kanilang mga anak. Karaniwang sa mga mahihirap na lugar sa Southern Mindanao nagtutungo ang mga pedophile sapagkat madaling “silawin” sa pera ang mga magulang. Wala nang tanung-tanong pa at agad ipinauubaya ang mga anak.

Ang masaklap, napakababata pa ng mga “nilalaro” ng mga hayok na pedophile at ganundin ng mga sindikatong sangkot sa child traffickers. Ayon sa report, isa hanggang 12 taong gulang ang nabibiktima ng pedophiles at child traffickers. Binabayaran lamang umano ng P500 hanggang P1,000 ang mga magulang ng bata para pumayag sa makamundong nasa ng mga hayok na pedophiles o traffickers. Pero ang matindi, may mga batang sinasaktan at pinapatay kapag hindi sumusunod ang mga ito sa utos na makipagtalik o anupamang kalaswaan.

Isang 12-anyos na dalagita ang pinatay ng Dutch national na si Peter Gerald Scully, katulong ang live-in partner nitong Pinay sa Surigao City. Pinatay umano ang dalagita nang tumanggi sa kagustuhan ni Scully na makipagtalik habang bini-videohan. Tinortyur muna ang dalagita bago pinatay. Inili-bing ito sa kusina ng inuupahang apartment sa Villa Corito, Surigao sa tulong ng ka-live-in na Pinay. Para hindi mahalata, nilagyan pa umano ni Scully ng tiles ang bahaging pinaglibingan para hindi mahalata. Nadiskubre ang krimen nang ituro si Scully nang ka-live-in. Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) si Scully at ka-live-in at kinasuhan. Walang piyansa ang child trafficking.

Lambatin ang mga pedophile at international child traffickers ganundin ang mga kasabwat na Pinay. Ikulong sila at hayaang maagnas sa kulungan.

Show comments