‘Kutson na, lumipat sa papag’

LALO mong inaawat hindi naman kumakagat. Hihingi ng payo sa ‘yo, sarili rin pala ang susundin.

 “Nagustuhan niya kaagad, pina-alalahan ko siya ngunit hindi siya nakinig. Sa halip na makatulong sa kanya naging problema pa,” ayon kay Enteng.

Taong 2014 nang makilala ng anak ni Vicente “Enteng” Flores, 62 taong gulang, nakatira sa Cavite na si Theresa ang nag-alok ng sanla-tira sa kanya. Sa gulang na ito ni Enteng ay nagtatrabaho pa siya bilang ‘security guard’ dahil hindi pa daw tapos ang pinapagawa nilang bahay. Nasa finishing na daw ito at hinuhulugan pa bawat buwan. Natutulungan naman daw siya ng kanyang limang anak dahil may trabaho na ang mga ito. Ang ilan ay naghahanap-buhay sa ibang bansa.

Ang anak niyang pangalawa na si Theresa ay nakatira sa Mary Cris Subdivision sa Cavite. May kapit-bahay umano ito na nagsasanla ng bahay at lupa. Ayon sa nag-alok na si Teresita Farrales, 40 sqm daw ang lawak ng bahay. Dalawang palapag ito at halagang Php150,000 isinasanla. Sila ang magbabayad ng kuryente at tubig at maaari na nila itong tirahan. Pinuntahan nina Enteng at Theresa ang bahay. Maayos at malinis ang paligid kaya’t nagustuhan ito kaagad ng anak.

“Binilinan ko siya na huwag muna siyang magbayad ng kahit magkano. Titingnan muna namin sa PAG-IBIG kung may problema ba ang lupa. Sabi ko din kay Teresita maghahanap muna ako ng pera pambayad sa kanya,” wika ni Enteng.

Ang bahay na ito ay isinanla lamang kay Teresita at may hawak siyang Special Power of Attorney (SPA) mula sa orihinal na may-ari na si Luz Roco-doco. Pumunta sa opisina ng PAG-IBIG si Enteng at ayon sa nakausap niya doon ay na-‘foreclose’ na umano ito taong 2012 pa. Binanggit niya din ang ginagawang pagsasanla sa kanila kaya’t pinayuhan siya ng nakausap na huwag magbayad ng kahit magkano dahil masasayang lamang ang kanilang pera. Kung gusto daw ng kanyang anak ang bahay at lupa ay mag-apply na lamang siya sa PAG-IBIG dahil OFW naman ito at may kakayahang magbayad upang makuha ang nasabing lupa at bahay.

Agad na kinausap ni Enteng si Theresa at ipinaalam ang kanyang natuklasan.

“Dun niya lang nasabi na nagbayad na pala siya ng Php36, 000. Nagalit ako dahil binilinan ko siyang huwag munang magbayad. Masasayang lang ang kanyang pera dun,” salaysay ni Enteng.

Binalikan nila ang lugar kung nasaan ang bahay at nakita nilang putol na ang tubig at kuryente nito. Isang araw nagpakita si Teresita sa pinagtatrabahuan ni Enteng. Sinisingil siya dahil may kulang pa daw sila sa pagsasanla. Sinabi ni Enteng na alam na niyang foreclose ang bahay. Napahiya umano ito. Bigla na lamang daw umalis itong si Teresita at hindi na nagpakita sa kanila. Kapag tinatawagan nila ang numero nito ay hindi ito sumasagot. Ganun din kapag nagtetext sila.

“Nung huli napag-alaman namin na may mga iba pinagsanlaan pa siya. Marami siyang nadala sa mga panloloko niya,” ayon kay Enteng.

Pinuntahan na din nila ang bahay nito sa Cavite ngunit wala nang nakatira doon. Sa ngayon hindi nila alam kung saan ito lumipat. Wala silang ideya kung paano sila makakapagsampa ng kaukulang kaso dahil hindi nila alam kung saan pababagsakin ang subpoena. Nais malaman ni Enteng kung ano ang maaari nilang gawin. Ito ang dahilan ng paglapit nila sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Enteng.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, madalas tayong tumingin sa positibong bagay at hindi na tayo nag-iingat. Gaya na lamang ng nangyari kina Enteng at sa kanyang anak. Nakaka-enganyo nga naman na hindi magagalaw ang pera mo, may interes pa, at higit sa lahat libre ang pagtira mo habang hindi pa natutubos. Hindi na bago ang ganitong kaso at mahigit sa isang dosenang kwento ang naitampok namin pero tila marami pang hindi nag-iingat.

BILANG TULONG ini-refer namin si Enteng sa Department of Justice Action Center (DOJAC) kay Director Perla Duque upang suriin kung pasok ba ito sa kasong kriminal na kasong ‘Estafa’ laban kay Teresita.

Kung totoo ngang marami pa itong nagoyo, maaari niyo silang isama na magreklamo at konsiderihan ang kasong ‘Syndicated Estafa’ o Large Scale Swindling. Walang piyansa ang nakapataw sa kasong ito. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga Makinig rin kayo ng progra­mang “PARI KO” tuwing Linggo sa DWIZ 882 KHZ. Mula 9:30-10:30PM kasama sina Fr. Jojo Buenafe, Fr. Jason Laguerta at Fr. Lucky Acuna.

Sa mga taong may problemang medikal, walang kakayahang magpagamot maari din kayong lumapit sa tanggapan ng “PUSONG PINOY”, sa parehong address:  5th Floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd. Pasig City, Lunes hanggang Biyernes 9:00 ng umaga. Huwag niyo kalimutang magdala ng photocopy ng inyong ‘Updated Medical Abstract’. Mapapakinggan ang programang “PUSONG PINOY” tuwing Sabado mula 7:00-8:00 ng umaga. Sa DWIZ 882KHZ, AM BAND.

 

 

 

Show comments