ISANG grupo ng limang matatandang babae sa China ang sadyang mapagmahal sa mga aso kaya naman naisipan nilang kumupkop at magpakain ng 1,300 asong kalye araw-araw.
Nagsimula ang kanilang nakakamanghang pagkakawanggawa noong 2009 nang maisipan ng 60-taong gulang na si Wang Yanfang na makiusap sa pamahalaan na hayaang siya na lang ang magkupkop ng mga asong kalye na kanilang pinaghuhuli noon sa mga kalye. Pumayag naman ang kinauukulan at ngayon nga ay umabot na sa 1,300 mga aso ang inaalagan ni Yanfang at ng kanyang mga kasama na pawang may mga edad na rin.
Sa dami ng aso na kanilang inaalagaan ay kinakailangang gumising ni Yanfang at ng kanyang mga kasamahan ng alas-4 ng umaga upang maihanda ang kakainin ng kanilang mga alaga. Nakakaubos ang mga aso ng 400 kilo ng dog food araw-araw.
Dahil sa kanilang pagiging abala sa pag-aalaga sa mga aso ay nakakalimutan na nila Yanfang ang pagdiriwang ng mga holiday na katulad ng New Year. May panganib din ang kanilang pagkupkop sa mga aso dahil minsan na silang nakagat ng mga asong kanilang inaalagaan. Sa kabila nito ay hindi nagsasawa ang matatanda na alagaan ang mga aso dahil parang anak na raw ang turing nila sa mga ito.