NASA ika-141st na puwesto ang Pilipinas sa World Press Freedom Index. Mas improve kaysa noong nakaraang taon na nasa 149th na puwesto. Pero ang nakakadismaya, isang araw makaraang ihayag ang ranking, binaril at napatay ang isang radio broadcaster sa Tagbilaran City, Bohol. Papasok na sa kanyang radio office sa dyRD si Maurito Lim nang lapitan ng isang lalaki at binaril ito sa kaliwang bahagi ng mukha. Kalibre 45 ang ginamit sa pagpaslang. Makaraan ang pamamaril, mabilis na sumakay ang lalaki sa motorsiklong nakaparada sa di-kalayuan at umalis. Isinugod sa ospital si Lim pero namatay din habang isinasailalim sa operasyon. Iniimbestigahan na ng pulisya ang motibo ng pamamaril sa broadcaster.
Si Lim ang ika-34 na mamamahayag na pinatay mula nang manungkulan si President Noynoy Aquino. At lahat nang pagpatay sa mga mamahayag ay hindi pa nalulutas. Noong nakaraang buwan, isang tabloid reporter ang binaril at napatay sa Bataan. Hindi pa rin nalulutas ang pagpatay. Mula 1992, 80 mamamahayag ang pinaslang sa bansa at lahat ito ay may kinalaman sa kanilang trabaho bilang mamamahayag.
Isang halimbawa ay ang broadcaster-environmentalist na si Doc Gerry Ortega. Pinatay si Ortega habang pumipili ng damit sa isang tindahan ng ukay-ukay sa Puerto Princesa City noong 2011. Binaril siya habang nakatalikod at tinamaan sa batok. May mga inarestong suspek pero habang nasa kulungan ay isa-isang pinatay ang mga ito. Siniguro na hindi “maikakanta” ang utak ng pagpatay. Ang tinuturong “utak” ay hindi pa nadadakip hanggang sa kasalukuyan.
Ang pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay nangyari noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao kung saan 30 ang minasaker at saka inilibing sa hukay. Hanggang ngayon, wala pang nakikitang liwanag sa krimen. Umiiyak at humihingi ng hustisya ang mga kaanak ng Maguindanao massacre pero hindi sila naririnig.
Patuloy ang pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa at tila wala na ngang proteksiyon mula sa gobyerno. Bala ang katapat ng mga mamamahayag na bumabatikos o bumabanat. Mayroong tatambangan ng riding-in-tandem, mayroong pinapasok sa loob mismo ng tahanan at sa harap ng mga anak ay binabaril at mayroong pinapatay sa loob ng mall o tindahan.
Tuparin naman sana ng Aquino administration ang pangakong wawakasan na ang mga karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag at dakpin ang mga “utak”.