Hindi humuhupa, bagkus lalong tumindi ang galit ng marami nating kababayan sa viral video na nagpapakita sa brutal na pagpaslang at karumal-dumal na sinapit ng 44 miyembro ng SAF na napasabak sa Mamasapano, Maguindanao.
Lalo na namang tumaas ang emosyon dahil sa ilang mapagsamantalang negosyante na nagbebenta ng DVD buhat sa viral video.
Isipin nyo naman na pati ito ay pagkakitaan, ni hindi nangilabot man lang ang mga ito na walang pakialam sa damdamin ng mga kaanak kundi ang nasa isip eh kumita lang.
Hindi mo malaman kung kapalan na lang ng mukha ang ginagawa ng ganitong mga mapagsamantalang negosyante .
Hindi nga ba’t noong nakalipas na Biyernes, sinuyod ng mga tauhan ng NBI ang ilang tindahan sa Iligan City at sinamsam ang mga ibinebentang DVD kuha sa viral video.
Nakapanggagalit talaga.
May Part 1, part 2 pang kopya ang mga ito.
Ibig lang sabihin talagang sinasamantala at pinagkakakitaan, hinati-hati pa para iba ang benta. Kakapal talaga.
Dapat itong matutukan nang husto ng mga kinauukulan, tugisin at nagpapakalat at nagbebenta ng nasabing DVD na ito.
Lalu lang itong nakakadagdag sa dalamhati ng mga pamilya ng nasawing SAF, gayundin sa galit ng marami nating kababayan.
Hindi pa rin naghihilom ang malagim na insidenteng ito, na itinuturing ngang masaker at hindi encounter.
Marapat ding matutukan na makilala at matukoy na ang mga sangkot sa karumal-dumal na pagpaslang. Ang mga kumuha ng aktual at ang nag-upload nito na siya ring suspect sa naganap na masaker.