Artist sa china, gumagamit ng teabags upang makalikha ng mga larawan

NAKIKILALA ngayon ang isang artist sa China dahil sa kanyang kakaibang gamit sa paggawa ng sining.

Sa halip kasi na gumamit ng pintura, puro teabags ang ginagamit ng Shanghai-based artist na si Red Hong Yi sa paggawa ng mga malalaking larawan. Para sa kanyang pinaka­bagong obra, gumamit siya ng 20,000 teabags para mabuo ang larawan ng isang taong gumagawa ng tsaa.

Ginagawa ni Red ang kanyang mga larawan sa pa­mamagitan ng pagpapakulo ng mga teabags na kanyang ginagamit. Nagagawa niyang magkaroon ng teabags na may iba’t ibang kulay sa pamamagitan ng pagpapakulo sa mga ito sa iba’t ibang tempe-ratura. Gumagamit din siya ng food coloring kung kailangan niya ng mga teabags na may madilim na kulay.

Upang mabuo ang lara­wan, isa-isa niyang isinasaayos ang mga ito. Pagkatapos ay pagdidikit-dikitin niya ang teabags gamit ang stapler at alambre.

Hindi aakalaing gawa sa libu-libong teabags ang larawang ginawa ni Red lalo na kung titingnan lamang ito sa malayuan. Saka lamang mapapansin ang materyales ng larawan kung lalapitan ito at tititigan.

Hindi ito ang unang beses na nakilala si Red sa paggamit ng mga hindi tradisyunal na kagamitan sa paggawa ng sining. Napabalita na siya dahil sa kanyang mga obra na ginamitan niya ng kape, medyas at bola.

Show comments