SADYANG maraming kaakibat na problema ang labis na pagtaba. Bukod sa pagbabagong pisikal, nandiyan din ang panganib ng pagkakaroon ng mga sakit gaya ng diabetis, alta presyon, mataas na kolesterol, stroke, at sakit sa puso.
Kung nasa lahi ang pagiging mataba, maging maingat sa paraan ng pamumuhay. Heto ang ilang dahilan at ano dapat nating gawin:
1. Kakulangan sa oras ng pagtulog. Sinasabing dapat ay nakakatulog tayo ng 6-8 oras bawat gabi. Ngayon, kung kulang sa 6 na oras ang tulog, nagdudulot ito ng pagtaba. Sa paanong paraan? Ang kakulangan ng tulog ay nagdudulot ng hormonal changes na nagbibigay-daan para magutom tayo at kumain pa, lalo na ng mga pagkaing kulang naman sa sustansya. Pansinin na sa mga night-out activities, puro drinks (na mataas ang calories) at mga sitsirya (chips, fries) ang mga nakahain.
2. Kawalan ng pisikal na aktibidad. Madalas ay nagrereklamo tayo kapag aakyat sa hagdan o lalakad pa ng malayo para makarating sa isang lugar. Nandiyan ang elevator, escalator, kotse, tricycle, at kung anu-ano pang nagpapadali sa lahat ng bagay. Idagdag pa na masyado nang babad ngayon ang mga kabataan sa harap ng computers, ipads, TV, at iba pang gadgets. Lalo tuloy nagkukulang ang ating physical activities. Magsimula na ng isang health fitness program kahit bata pa lamang. Engganyuhin silang makibahagi sa sports, magsayaw, o makisali sa mga hataw-fitness activities sa inyong barangay. Maganda nga kung partner kayo sa mga gawaing ganito. Role-modelling.
3. Hindi tamang diet. Mas malamang sa hindi, suki tayo ng mga fastfood chains. Mas marami tuloy ang calories na naipapasok natin sa katawan. Bakit sa tingin ninyo patuloy na dumarami ang mga convenience stores? Sapagkat marami ang tumatangkilik dito. Marami ring gising kahit hatinggabi na o madaling-araw. Nalillimutan na natin na isang susi laban sa pagbigat ng timbang ay ang “calorie count” ng ating mga kinakain.
4. Paghinto ng paninigarilyo. Oo, posibleng magdulot ng pagtaba ang taong nasanay manigarilyo at pagkatapos ay nagdesisyong ihinto ito. Paano nangyayari ito? Ang nikotina sa sigarilyo ay nagdudulot ng kawalan ng ganang kumain at nakapagtataas ng metabolic rate ng katawan. Kapag inihinto ang supply ng nikotina, bumababa ang metabolic rate at nagsisimulang bumalik ang gana sa pagkain. Bunga nito, nadaragdagan ang timbang ng 5-10 percent. Dapat kumunsulta sa inyong doktor kapag nais na ninyong ihinto ang paninigarilyo para magabayan kayo sa epektong ito ng nikotina.
5. Kung dati nang mataba nung bata pa lamang. Mataas ang posibilidad na maging obese paglaki kung noong bata pa lamang ay obese na. Dumami na kasi ang bilang ng fat cells sa katawan. Kaya maipapayo sa mga magulang na huwag hangaring maging taba-ching-ching ang inyong mga anak para masabi lamang na cute. Kahit bata pa ang mga ito, huwag silang suplayan ng sobrang daming pagkain, tsokolate, prito, at mamantikang pagkain. Hindi n’yo gustong masisi balang-araw, di ba?