HINDI malilimutan ang ginawang pagbabanta ni President Aquino sa mga nagkakanlong kay Usman: “Huhulihin namin si Usman, anuman ang maging desisyon ninyo, sino man ang kumukupkop sa kanya, at saan man siya nagtatago. Walang dapat magduda: Magkatuwang ang adhikain natin para sa kapayapaan at katarungan. Sa mga naliligaw naman ng landas, na magtatangka pang humadlang sa pagtugis namin kay Usman, tandaan na ninyo: Estado ang kalaban ninyo, at sasagasaan namin kayo.” Kahit walang sinabing pangalan, ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang tinutukoy ni Aquino. Hinihintay ngayon ang bunga ng kanyang mga sinabi. Nasaan na si Usman?
Kung mahuhuli si Usman, maaaring mabawasan ang nadaramanng ngitngit ng sambayanan sa nangyaring pagmasaker sa 44 na SAF commandos. Hangga’t nakakalaya pa ang terorista, lagi nang may sisisihin kung bakit nangyari ang madugong pagkamatay ng 44 na police commandos. Kaya dapat patunayan ng Presidente na kayang tuparin ang mga binitiwang banta. Sagasaan ang sasagasaan!
Dahil sa Mamasapano clash, apektado na ang pag-usad ng Bangsamoro Basic Law (BBL). Sinuspinde na ng House of Representatives ang hearings ukol dito. Nalusaw na ang tiwala ng ilang senador at gustong ibasura na ang peace process. Hindi raw magtatagumpay ang pag-uusap kung walang senseridad ang isang panig. Kung magkakaroon pa ng negosasyon, walang makapagsabi. Ganunpaman, matuloy o hindi ang pagsasabatas ng BBL, ipagpatuloy ng gobyerno ang paghahanap kay Usman. Hulihin siya, patay man o buhay!
Sagasaan ang dapat sagasaan!