DALAWANG araw na ang isinagawang pagdinig ng Senado at dito ay malinaw na ang mga lapses at pagkukulang sa panig ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na naging resulta sa pagkamatay ng 44 na PNP Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao.
Kung magpapatuloy kasi ang imbestigasyon ng Senado ay maaring malagay sa alanganin ang mga estratehiya ng PNP at AFP hinggil sa mga operasyon nito laban sa mga terorista at iba pang masasamang elemento sa bansa.
Halos paulit-ulit lang naman ang mga katanungan ng mga senador at sila-sila mismo ay nagkakagirian kapag may lumalampas sa itinakdang oras ng pagtatanong sa bawat senador.
Dahil sa full coverage ang media mula telebisyon at radyo maging taga-newspaper ay talaga namang halos lahat ng senador ay sumipot sa hearing ng Senado.
Sa aking pananaw, sapat na ang dalawang araw na hearing ng Senado at lumitaw na ang mga kapalpakan na maaring maitama sa mga susunod na operasyon.
Hindi dapat na magsisihan at pag-awayin ang PNP at AFP dahil mas malalagay sa panganib ang interes ng bansa at ng buong sambayanan.
Magdadaos din ng hiwalay na pagdinig at imbestigasyon ang mababang kapulungan ng Kongreso sa Mamasapano encounter.
At tulad ng inaasahan, uulitin din ang mga naging tanong ng mga senador ng mga kongresista dahil kung sino ang mga resource person sa Senado ay sila rin ang makakaharap ng mga kongresista.
Ang imbestigasyon ng Senado at Kamara ay in aid of legislation o para makatulong sa pagbalangkas ng batas.
Ano pa ba ang isasabatas sa usaping ito? Eh ang isyu dito ay ang kapalpakan at kakulangan ng PNP at AFP kung kaya nauwi sa malagim na enkuwentro.
Makakabuting antayin na lang ang resulta ng imbestigasyon ng PNP Board of Inquiry kung wala nang pag-asang makalusot ang Truth Commission at ang mga opisyal ng PNP at AFP ay maaring mapatawan ng kasong administratibo.