Wetwet

HI, ako si Wetwet. Isang asong kalye. Napulot lang ako ng kapitbahay ng aking dating amo. Naawa sa akin kaya inampon ako. Halos buto’t balat na ako nang mapulot nila. Sa hindi ko malamang dahilan ay umalis ang aking mga amo at lumipat ng ibang tirahan pero hindi ako isinama.

Simula noon ay nagpalaboy-laboy na ako sa paligid nang subdibisyon na iyon.. Isang araw ay nakilala ako ng dating kapitbahay. Sabi niya sa isa niyang anak, “Uy, di ba ito ang aso ng dati nating katapat-bahay? Hayan ang palatandaan, may sugat siya sa puwet.”

Dyahi talaga ang sugat ko sa puwet pero mabuti na lang at iyon ang naging dahilan para matandaan ako ni Simang, ang aking bagong amo. Ginamot nila ang aking puwet. Tumaba ako at bumalik ang aking pagiging makisig na aso. Ang pangalan ko ay short for puwet.

Hindi man ako marunong magsalita ng “salamat”, iyon ay ipinadadama ko sa pamamagitan ng pagtahol na may kasamang pagpulupot sa kanilang mga binti at pagkawag ng aking buntot kapag dumarating sila sa bahay. Marunong din naman kaming tumanaw ng utang na loob ‘no!

May isa akong kaibigan, Jupiter ang pangalan. Aso siya ng kapitbahay ni Simang. Mabilis siyang  kumilos kahit tatatlo ang kanyang paa. Naaksidente siya kaya naputulan ng isang paa. Mas mataas siyang lumundag at mas mabilis tumakbo kaysa akin. Wala siyang paki sa kanyang kapansanan. “Happy-go-lucky-aso” ang tawag sa kanya ng kanyang amo.

Sana gayahin si Jupiter ng mga tao. Kasi napapansin ko lang, kaunting problema lang ng ibang tao ay para bang katapusan na ng mundo. Doon sa aking dating amo, ako ang “shock absorber” nila. Kapag maiinit ang kanilang ulo ay ako ang kanilang sinisipa o pinapalo ng kahoy kapag nagkamali akong  pumuwesto sa kanilang dinadaanan. “Battered dog” ako noon. Kaya nagkasugat ako sa puwet dahil iyon ang tinamaan nang minsang hampasin ako ng kahoy.

Anong ganda ng mundong ito kung ang lahat ng tao ay mag-aasal aso, eh, hindi pala, gagayahin ang magandang disposisyon ni bespren Jupiter at ‘yung ugali kong marunong tumanaw ng utang na loob.

 

Show comments