Manong Wen (196)

“KAYO ba ang mga kamag-anak ng pas-yenteng si Diana?” tanong ng doctor.

“Opo Doktor kami po ang mga anak! Ano pong nangyari sa aming ina?”

Napatangu-tango ang doctor.

“Ano po Doktor?” Hindi na makapaghintay si Princess. Talagang gusto niyang malaman ang kalagayan ng ina.

“Don’t worry, ligtas na siya!”

Napaiyak sa tuwa si Princess at maging si Precious.

“Isang himala ang nangyari sa kanya. Kanina, tumigil na ang tibok ng kanyang puso pero makaraan ang ilang minuto, nagbalik muli. Lumaban siya. Gusto talagang mabuhay ng mother n’yo. Isang milagro ang nangyari consider na matindi ang tama niya.’’

“Salamat po Doktor at ligtas na ang aming ina!”

“Ipinaaalala ko lamang na hindi pa siya maaaring makausap. Puwede n’yo siyang dalawin sa ICU pero hanggang tingin lang. Matatagalan pa bago siya makausap. Kailangan ang inyong ko-operasyon para sa mabilisang paggaling ng pasyente.’’

“Opo, Doktor. Maaasahan  mo po ang aming ko-operasyon. Ang mahalaga po ay buhay ang aming ina. Maligaya po kami.’’

“Salamat. Siguro mga dalawang araw pa siya sa ICU at saka siya ililipat sa private room. Maaari na kayong kumuha ng room para pag-alis niya sa ICU, deretso na siya. Kailangang maaalagan siyang mabuti.’’

“Opo Doktor. Marami pong salamat.’’

Makaraan ang dalawang araw ay inilipat na sa isang private room si Mam Diana. Kumpleto sa gamit ang room na kinuha nila.

Wala pa ring malay si Mam Diana. Talaga raw ganoon dahil sa dami ng gamot na iniinom.

Habang pinagmamasdan nila ang natutulog na si Mam Diana ay nag-uusap sila tungkol sa himalang pagkakaligtas nito. Sabi nga ng doctor ay grabe ang mga tama pero dahil sa kagustuhang mabuhay ay nagawa nito. Wala na ngang tibok ang pulso ayon sa doctor pero muling nabuhay. Himala nga ang nangyari.

“Palagay ko talagang lu-malaban siya para mabuhay at nang makita kayong magkapatid,” sabi ni Diego.

“Naghimala po talaga ang Diyos, Manong. Dasal po namin na sana ay makaligtas ang aming ina para magkasama-sama kami.’’

“Mahal kayo ni Mam Diana. Nakita ko ang pag-aalala sa mukha niya habang hina-hanap namin kayo. Nag-aalala siya na baka kung ano ang ginawa sa inyo ng mga kidnapper.

“Mabuti po at nakita n’yo agad kami, Manong?”

“Matagal kaming naghanap sa inyo. Kasi nga naisip niya na baka walang ibang taong naghahanap sa inyo. Wala pa kaming nakikitang pulis o sinumang naghahanap sa lugar. Mas una pa nga kaming nakakita sa van na ginamit sa panghoholdap.’’

Sa puntong iyon, biglang may naisip si Princess. Bakit nakalimutan niya si Jo?

“Si Jo! Nasaan na si Jo?’’ sabi niya.

“Oo nga Ate, nasaan si Jo?” tanong ni Precious.

“Sinong Jo ang sinasabi n’yo Princess?”

“Siya po ang nobyo ko. Bago po ninyo kami nakita, una nang sumaklolo si Jo sa amin at nilabanan ang dalawang kidnaper. Tumakas kami habang nakikipaglaban si Jo. Pero habang papalayo, nakarinig kami ng putok. Palagay ko po binaril ng mga kidnaper si Jo.’’

“Si Jo bang sinasabi mo ay yung taga-Maynila na dating kasama ng tatay mo sa Saudi Arabia?’’

“Opo. Siya nga po!” sabi ni Princess.

“Bakit mo po siya kilala Manong Diego?” tanong ni Precious.

“Magkakilala sila ni Mam Diana.’’

Gulat sina Princess at Precious.

“Teka dito muna kayo Princess at hahanapin ko si Jo. Baka may nangyari sa kanya.”

“Mag-ingat ka po. Ipa­alam mo po sa amin ang lahat!”

Tumango si Diego.

(Itutuloy)

Show comments