Manong Wen (195)

NAGISING lamang sa pagkakaidlip sina Princess at Precious nang lumapit ang driver na si Diego na may dalang sandwich at tubig. Alam niya na hindi pa kumakain ang magkapatid.

“Kumain kayo, Princess! Alam ko gutom na gutom kayo!”

“Nakalimutan na po namin ang gutom Manong. Para pong walang lasa. Kasi po’y nag-aalala kami sa kalagayan ni Inay.’’

“Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Idalangin n’yong makaligtas si Mam Diana.’’

“Kanina pa po kami nananalangin ni Precious. Hi-ling po namin na makaligtas si Inay, Manong. Sana po dinggin kami ng Diyos.’’

“Didinggin kayo, Princess.’’

“Salamat po Manong.’’

“Matagal na kaming nag-aabang sa kalsada na kinakitaan namin sa inyo. Ang inay n’yo ang nagpasya na magtungo sa lugar na iyon kasi nga may nakapagsabi sa amin na sa highway ang direksiyon ng van na ginamit para kayo kidnapin.

“Nakita namin ang van. May patay na tao sa loob. Nakakuha ako ng baril kaya iyon ang aking ginamit sa mga kidnaper.’’

“Paano po nagkaroon ng baril si Inay? At bakit po mahusay siyang bumaril?” tanong ni Princess.

“Ayon sa kuwento ng inay mo, tinuruan siya ng dating asawang Australian. Sharpshooter daw ang Australian husband niya.’’

“Ganun po ba?’’

“Talagang walang nais ang inay n’yo kundi ang mailigtas kayo. Nakahanda na pala talaga siya. Nagulat nga ako nang ilabas niya ang baril. Haharapin daw niya ang mga kidnaper. Hindi raw siya natatakot. Kailangan daw mailigtas niya ang mga anak --- at kayo nga iyon.’’

Napaiyak si Princess. Nang makita ni Precious ang pag-iyak ng kapatid, napaiyak na rin ito.

“Mahal na mahal kayo ni Mam Diana. Ngayon lang ako nakakita nang ganyang katapang na babae. Kahanga-hanga!”

“Manong, may malalim pong kuwento ang aming ina. At iyon ang dahilan kaya kami nagkahiwa-hiwalay.’’

“Puwede ko bang malaman, Princess?”

Ikinuwento ni Princess. Buung-buo. Detalyado.

“Ah yun pala ang kuwento ni Mam Diana. Nagsisi na siya at para patunayan na mahal kayo, isinuong ang buhay. Talagang nagbago na siya.’’

“Pinatawad na po namin siya, Manong. Ang nais namin ay makapiling siya ngayon.’’

Saka napaiyak muli.

Maya-maya, nakita nila ang papalapit na doctor.

“Ano kayang nangyari kay Inay?” (Itutuloy)

Show comments