PATULOY na nagbibigay-babala ang BITAG sa Luzon, Visayas at Mindanao. Huwag magpapaniwala sa mga nagtatatawag at nagpapakilalang BITAG, BEN TULFO, T3, TULFO BROTHERS at iba pa naming mga programa sa telebisyon at radyo.
Matagal at paulit-ulit na akong nag-isyu ng all points bulletin (APB) pero marami pa rin ang mga nabibiktima. Kadalasan, opisyal ng mga tanggapan ng gobyerno at pribado at mga pulitiko nasyunal at lokal.
Sa anumang kadahilanan. ang ilan, siguro mayroong itinatagong baho, kontodo-bigay agad. Hindi na nag-beripika kung lehitimo o totoo ba ang kausap o modus lang.
Ang iba naman, posibleng nakalimot sa aming APB o ‘di naman kaya hindi nakikinig sa BITAG Live.
Kaya ang mga putok sa buho na nagpapanggap, nagagawang makakolekta ng pera sa pamamagitan ng mga remittance company.
Katunayan nitong Huwebes lang, isang opisyal ng isang pamahalaang lokal, nagberipika sa BITAG. Para malantad itong kolokoy na nagngangalang BENJAMIN TULFO, nanghihingi daw ng donasyon. Ang mga instruction kung papaano at saan ihuhulog ang pera, nasa email daw ng kumag. Mabuti nalang at nagtanong ang nasabing opisyal.
Paglilinaw, hindi ugali ng BST-TRI MEDIA PRODUCTION o ang kumpanyang may likha ng BITAG LIVE, BITAG NEW GENERATION, PINOY-US COPS at iba pa naming mga programa ang magtatawag sa telepono lalo na kung tungkol sa mga charity work, donasyon o solisitasyon.
Hindi kami tumatawag sa kung sino-sinong mga talpulano lalo na sa mga pulitiko. Kung sakali mang tatawag ang sinumang BST staff, sinasabi namin agad ang aming pakay. At ito ay may kinalaman sa mga istoryang aming iniimbestigahan at sinusundan.
Maliban dito, nababahala rin ang BITAG sa mga ilegalistang nangongolekta sa mga peryahan at mga pasugalan sa iba’t ibang rehiyon.
Nakarating sa aming tanggapan na mayroong mga naglilibot sa may bahagi ng Paniqui, Tarlac, Region 3 at CALABARZON. Kung sino man ang mga demonyo sa lupa na ito. hindi sila konektado sa amin. Tulad ng lagi kong sinasabi, kapag may tumawag sa inyo ‘wag na kayong magdalawang-isip, i-entrap nyo na agad, tawagan ang BITAG at papatayan namin siya ng kamera.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.