NANGAPAL na ang palad niya kakahawak sa manibela. Nagiging ‘sing ganit na din ng kambyo ang kanyang mga buto. Sa dalawang dekadang pagsuyod niya sa iba’t-ibang sulok ng kalsada alam niya kung kelan aabante, aatras at liliko. Ngayong 60 anyos na siya inapakan na niya ang preno para huminto…
Oras na para pumarada ang ‘bus drayber’ na nagsadya sa amin si Pancho Alojado, 60 anyos. Dalawamput isang taon siyang namasada ng bus sa St. Rose Transit, rutang Laguna-Lawton.
“Naranasan ko pang mamaneho ng mga ordinary bus ng St. Rose hanggang sa maging air-conditioned na lahat ng bus nila… ganun ako katagal nagserbisyo,” panimula ni Pancho.
Si Pancho ay tubong Negros Occidental. Pagkatapos ng Martial Law, nung taong 1974 lumuwas ng Maynila si Pancho. Nagtrabaho siya bilang helper sa isang talyer sa Fricso, Quezon City. Iba’t-ibang trabaho ang pinasok ni Pancho. Naaalala niya pang naging factory worker din siya sa Allen Trading, pagawaan ng plastic na panali sa Samson Road, Tondo Manila. “Dito ata ako nagsimulang maghulog ng aking Social Security System (SSS),” sabi ni Pancho.
Matapos nito, naglabas naman siya ng dyip byaheng Pasig-Quiapo sa loob ng dalawang taon. “Inipon ko yung kinikita ko mula sa boundary, binalak ko mag-abroad,” pahayag ni Pancho. Taong 1978 nakaalis siya ng bansa. Naging ‘construction worker’ siya sa Saudi Arabia. Isang taon makalipas balik Pinas si Pancho. Nung taong 1982-1983 sa Iraq naman siya nagtrabaho bilang ‘truck driver’ Matapos nito, bumalik siya ng Riyadh. Nagtrabaho naman siya sa isang contructor sa Industrial Technologist Inc. bilang heavy equipment operator. Nagtagal siya rito mula taong 1990-1995.
Pag-uwi ng Pinas, nagdesisyon siyang hindi na umalis ng bansa. Nag-apply siya sa isang bus company ang St. Rose Transit sa Laguna. Agad nakapasok si Pancho, nagsimula siyang magdrayb ng bus nung taong 1993. Sa Canalalay, Biñan Laguna at Calamba, Laguna ang kanilang garahe. Naging buhay na ni Pancho ang pagiging bus drayber. Inilaan niya ang panahon sa pagmamaneho ng bus ng St. Rose.
Hindi na naisip ni Pancho na mag-asawa hanggang sa nakilala niya si Rose Marie, 48 na taong gulang na ngayon. “May kainan sila sa loob ng garahe sa Biñan. Tindera siya ng mama niya. Sa kanila ako kumakain,” pagbabalik tanaw ni Pancho.
Niligawan niya ang dalaga, naging sila ni Pancho at sila’y ikinasal nung taong 1997. Nagkaroon sila ng apat na anak. Labing pitong taong gulang na ang kanilang panganay habang anim na taon lang ang kanilang bunso.
Nakakaraos sa pang-araw- araw na pangangailangan ang mag-anak ni Pancho sa kanyang kita bilang drayber. Ayon sa kanya, arawan at porsyentuhan ang kanilang sahod. Siyam na porsyento ng kita ng bus sa isang araw ang nauuwi niya.
“Kapag malakas ang kita umaabot ako ng 1,300 sa isang araw. Kapag mahina naman nasa 600 pero kapag nagkatrobol sa daan gaya ng aksidente wala talaga,” wika ni Pancho.
Sa 21 taong pamamasada ni Pancho hindi pa naman daw siya nasangkot sa matinding aksidente kundi mga sagi lang. Maayos naman ang pamamalakad ng St. Rose kina Pancho. Kahit arawan ang kanilang sahod meron silang unyon kung saan bawat drayber at pahinanteng aalis, aalisin at magreretiro, makakatanggap umano ng katumbas na P6,500 sa bawat taon na tinagal sa serbisyo.
Dahil sa 21 taon na si Pancho sa St. Rose halagang P136,500 ang nakatakda niyang tanggapin sakaling magretiro siya. Ika-24 ng Agosto 2014, ika-60 kaarawan ni Pancho nagretiro siya sa kumpanya. Mula nun nakatanggap siya ng halagang P10,000 kada buwan na nasa tseke (Post Dated Checks) para sa natitirang P100,000 matatanggap na retirement pay ni Pancho. “Yung ibang pera binigay sa aking cash…” ani Pancho.
Parehong buwan, nagsadya si Pancho sa SSS-Carmona sa Biñan para mag-file ng kanyang pension benefits sa SSS. Lumalabas sa rekord ng SSS na meron na siyang 197 months na hulog kaya makakatanggap na siya ng pension.
Ang problema nga lang, magkaiba ang employment history niya. Lumalabas ang taong 1974 at 1975. Hindi ma-compute ang eksaktong taon ng kanyang benepisyo kaya’t hindi pa maproseso ang kanyang papeles sa SSS. “Sana po tulungan n’yo ko sa ligal na hakbang na maari kong gawin sa SSS pension ko. Plano ko sanang gamitin ang matatanggap ko panimula ng negosyo,” kahilingan ni Pancho.
Ito ang dahilan ng pagpunta ni Pancho sa aming tanggapan nung ika-8 ng Enero 2015. Itinampok namin si Pancho sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).
Para linawin ang nagiging problema ni Pancho sa kanyang benepisyo sa SSS kinapanayam namin sa radyo si Ms. Lilibeth Suralvo, Communication Analyst ng SSS-Main Branch. Sinabi ni Ms. Lilibeth na sa kanilang rekord ang date of coverage ng hulog ni Pancho ay 1974 habang ang kanyang employment history ay nung May 1975. Kailangan daw mahanap ni Pancho ang dati niyang pinasukan para maberipika ito ng SSS.
Kailangan niyang magpa-manual verification. Bagay na ginagawa na naman daw ng SSS-San Pablo. Tinanong namin si Ms. Lilibeth kung pwedeng ’wag nang isama ang nasabing taon? Paliwanag ni Ms. Lilibeth, “Sayang naman po yung mawawalang isang taon. Kapag 20 years P2,400 kapag nabawasan ng isang taon halimbawa 19 na taon, P1,200.”
Para lubusang tulungan si Pancho, pinapunta siya ni Ms. Lilibeth sa San Pablo, SSS Branch kay Jesrel Ancheta kanilang OIC.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, i-mano-mano ang solusyong ginagawa ng SSS para sa kaso ni Pancho. Medyo matagal ang hihintayin niya para rito dahil kailangang masigurado ng SSS kung kelan ang una niyang hulog. Makikita ito sa pamamagitan ng kanilang microfilms.
Sayang din naman kung hindi maisasama kay Pancho ang bilang ng taon na nasa rekord ng SSS. Kalahati ang mawawala sa kanya buwan-buwan kapag tumigil siya ng pag-aayos ng kanyang papeles.
Isa ring magandang balita para maibsan ang pagkadismaya nitong si Pancho, retro-active o ang mga buwan na hindi niya nakuha ang kanyang pension. Kapag naayos na ang lahat ang hindi niya nakuha maibibigay ito ng buo ng SSS ng isang buhos. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento