NOONG panahon ng Kapaskuhan, tinalakay ko ang unang bahagi ng Lead Poisoning o pagkalasong dala ng tingga. Napapanahon ito sapagkat napakarami na namang laruang makukulay ang tiyak na naipamigay ng mga magulang at mga ninong at ninang. Siyempre pa, hindi natin iniisip na posibleng mataas ang “lead content” ng mga ginamit na sangkap sa pagbuo nito.
Nangunguna ang EcoWaste Coalition sa pangangampanya laban sa patuloy na paggamit ng lead (o tingga) bilang sangkap sa paggawa ng iba’t ibang klase ng produktong nabibili sa pamilihan. Delikado ang sangkap na lead dahil sa mga peligrong dulot nito sa utak at nervous system ng isang batang lumalaki pa lamang. Ngayon nga ay may alituntunin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mahigpit na nagbabawal sa paggamit ng tingga sa paggawa ng mga gamit pambalot o lagayan ng pagkain at inumin, water pipes (tubong daluyan ng tubig), kosmetiko, laruan, gamit pang-eskuwela, at panghalo sa gasolina (leaded gasoline).
Kasama sa naturang patakaran ang pag-phase out sa 2016 ng mga pinturang may halong tingga na ginamit sa mga bahay, paaralan, gusali, opisina, at mga palaruan.
Paano nga ba tayo makaiiwas sa pagkalasong maaaring idulot ng lead o tingga? Makatutulong ang sumusunod na gabay:
1. Iwasang bumili o mamigay ng mga produktong pambata na may sangkap na tingga gaya ng mga laruan at school supplies na pinturado (maliban kung may garantiya na ang pinturang ginamit ay walang halong tingga).
2. Gumamit lamang ng mga pinturang walang halong tingga sa mga bahay, paaralan, gusali, palaruan, o iba pang lugar na madalas puntahan o pamalagian ng mga bata. Upang makasiguro, ugaliing bumili ng mga pinturang water-based, latex, o acrylic dahil wala itong halong tingga. Kung ang kailangan ay pinturang oil-based o enamel, siguruhing wala itong sangkap na tingga. Tingnan at suriin ang etiketa.
3. Dalasan ang paglilinis ng bahay para maiwasan ang pagkapal ng alikabok na maaaring nagtataglay ng tingga. Kung ang pintura ng bahay ay natutuklap na at malutong na, puwede itong mapulbos at humalo sa alikabok na nakakalat sa bahay. Kung ang mga laruang ginagamit ng mga bata ay nasa sahig at nahaluan ng mga alikabok na ito (na kontaminado na ng tingga), puwedeng makain o malanghap ng mga bata ang nakalalasong kemikal.
4. Sa paglilinis ng mga alikabok na ito, huwag gumamit ng walis tambo. Hindi nito nalilinis ang mga alikabok na kontaminado ng tingga. Sa halip, gumamit ng basahang basa o floor mop na basa para doon kumapit ang alikabok na ito. Gawing regular ang wet-mopping at wet-wiping.
5. Payuhan ang mga bata na ugaliing maghugas ng kamay pagkatapos maglaro at bago kumain. Sa gayong paraan, maiiwasan ang pagkalulon at pagpasok sa katawan ng mga alikabok o lupa na posibleng may taglay na tingga.
6. Iwasang kaskasin ang nababakbak na pintura sa mga dingding, pinto, at iba pang kasangkapan na posibleng may tingga. Tapalan ang mga bahaging may bitak o bakbak gamit ang pinturang walang halong tingga.
7. Dapat ay mahigpit na ipatupad ang Philippine Clean Air Act.
8. Magtanim ng maraming puno sa paligid ng mga eskuwelahan para magsilbing pananggalang sa tingga (biological curtain).