Manong Wen (174)

BINILISAN ni Precious ang paglalakad. Nagsisimula nang mamanhid ang kanyang mga paa dahil sa takot. Ang naramdaman niyang takot noong makidnap siya ay tila nauulit na naman ngayon. Panay na panay ang dasal niya. Diyos ko!

Hindi siya lumilingon. Binilisan pa niya ang pag­lalakad kahit na masakit at namamanhid ang mga paa. Kailangang makara-ting siya sa school. Kapag nakapasok na siya sa gate ng school, maaari na siyang makahingi ng saklolo.

Sa wakas, nakarating siya sa school. Mabilis na pumasok sa gate. Naka-hinga siya nang maluwag.

Nang matiyak na ligtas na siya, saka tiningnan ang pinanggalingan. Pero ganoon na lamang ang pagtataka niya sapagkat wala namang sumusunod sa kanya. Pinagmasdan muli niyang mabuti. Wala talaga! Guniguni lang ba yun? Pero naramdaman niya ang pagsunod sa kanya. Mabilis ang hakbang na parang gusto siyang daklutin sa likuran.  At tiyak niya, isang lalaki ang sumusunod sa kanya. Hindi siya maaaring magkamali.

Ipinasya niyang magtungo na sa kanyang klase. Pero habang naglalakad, ay ang misyeryosong lalaki pa rin ang nasa isip niya. Kikidnapin ba uli siya?

Nang mag-uwian sa hapon, tinawagan niya sa cell phone ang kanyang Ate Princess.

“Ate daanan mo ako rito sa school namin.”

“Bakit?”

“Basta daanan mo ako!”

“Bakit nga?”

“Kanina habang papasok ako, may sumusunod sa akin.’’

“Anong sumusunod?”

“Tao. Pero biglang nawala nang narito na ako sa loob ng school. Natatakot ako Ate!”

“Lalaki ba?’’

“Hindi ko nakita pero malakas ang kutob kong lalaki iyon.”

“Sige, hintayin mo ako.”

“Bilisan mo Ate. Baka dukutin ako!’’

“Huwag kang mag- panic. Andiyan na ako!”

(Itutuloy)

Show comments