ANG gasoline ay nag-rollback na ng P13 at ang diesel ay P15 noong 2014. Ngayong 2015, dalawang beses nang nagbaba ng presyo ang langis sa world market. Sa isang linggo, nakaamba na naman ang panibagong rollback.
Patuloy pa ang pagmura ng langis na umaabot na lamang sa $65 ang bawat bariles mula sa dating $100. Nagtapyas din ng presyo ang kerosene at ganundin ang liquefied petroleum gas (LPG).
Halos lahat nang petroleum products ay bumaba ang presyo at maraming motorista ang natuwa. Malaking tulong ito sa lahat. Bawat negosyo ay nakadepende sa gasolina kaya kapag tumaas o bumaba, apektado ang negosyo.
Sa pagbaba ng oil products, tanging ang pasahe pa lamang sa pampasaherong dyipni ang nabawasan. Maliban dito, wala nang ibang bumaba o nag-rollback. Nag-rollback ng 50 sentimos ang pamasahe noong Disyembre.
Mabagal ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pag-aadjust ng presyo ng mga panguna-hing bilihin. Imagine, malaki na ang natatapyas sa presyo ng gasolina at diesel pero wala pa ring paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang presyo ng bigas, asukal, kape, mantika, gatas, sabon at iba pa ay nananatili pa ring mataas. Ano ba ‘yan? Gumagawa ba o kumikilos ang DTI para ma-rollback ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan? Walang maramdaman ang mamamayan sa pagbaba ng gasoline. Hindi sapat na ang pamasahe lamang ang mabawasan kundi pati na ang mga presyo ng pangunahing bilihin. Ito ang mas kailangang maibaba sapagkat marami ang kakarampot ang kinikita at hindi ito mapagkasya sa pangangailangan ng pamilya.
Sana matikman ng mamamayan ang pagbabawas ng presyo ng gasolina. Dapat maramdaman ang bawas-presyo sa mga produkto. Kilos DTI, maawa naman sa mamamayan.