ISANG bayan sa Kazakhstan ang iniiwan na ng mga residente dahil sa isang misteryosong sakit na kumakalat doon.
Labis ang pagiging antukin at malilimutin ng mga residente ng Kalachi kaya naman ipinasya nilang lisanin ang kanilang bayan.
Hindi biro ang epekto ng kakaibang sakit mula sa nasabing bayan dahil ilang araw kung matulog ang mga mayroon nito na may kasama pang memory loss o pagkawala ng mga alaala.
Higit sa 100 kaso na ang naitala ng nakakapagtakang sakit kaya nabansagan na ang bayan ng Kalachi bilang “Sleepy Hollow” na hango sa isang sikat na nobela.
Masasabing malubha na ang kakaibang pangyaya-ring ito sa Kalachi dahil tumugon na kahit ang mga kinauukulan sa Kazakhstan tungkol dito. Tinutulungan na ng pamahalaan na makalipat ng tirahan ang mga taga-Kalachi upang makaiwas ang mga ito sa misteryosong sakit.
Wala namang maibigay na konkretong paliwanag kahit ang mga dalubhasa tungkol sa misteryosong sakit na kumakalat sa bayan.
May mga nagsasabing maaring ang tubig na iniinom ng mga taga-Kalachi ang nagdadala ng sakit dahil maaring na-kontamina ito ng mga nakakalasong kemikal mula sa kalapit na minahan ng uranium.
Mayroon namang nagsasabing baka kaso lang ito ng mass psychosis o sabay-sabay na pagkabaliw.