Manong Wen (161)

NAG-ALANGAN si Jo kung makikipag-usap sa babae. Hindi niya alam kung sino ang babaing ito. Baka kasabwat ng Chester kidnapping group at balak siyang gantihan? Bakit parang kilalang-kilala siya ng babaing ito? At ilang araw nang nakikita niya sa ba­haging ito ng Recto Avenue. Nakiramdam si Jo. Baka may mga kasama ang babae at sa sandaling makipag-usap siya ay saka may sasalakay o kaya’y titigil na sasakyan para siya kidnapin o kaya’y pagbabarilin. Naging alerto siya. Hindi siya papayag na may mangyari sa kanya o madedehado siya.

Pero wala naman siyang napansing kakaiba. Nag-iisa ang babae. Walang bodyguard at ni walang mga nakaabang na sasakyan kung sakali.

“Please mag-usap lang tayo, Mister,” sabi ng babae at dahan-dahang lumalapit kay Jo.

Nakahanda naman si Jo sa mga mangyayari.

“Wala akong balak na ma­sama, Mister. Kailangan lang na makausap kita.”

“Tungkol saan at sino ka?”

“Puwedeng sa isang restaurant o sa isang tahimik na lugar tayo mag-usap. Please…’’

Natigilan si Jo. Hindi agad makapagpasya. Sa ganoong sitwasyon, mahirap makapag-decide.

“Wala akong masamang balak. Kakausapin lang kita, that’s it!’’

Nagpasya si Jo. Pakiramdam niya’y nagsasabi nang totoo ang babae.

“Sige, saan tayo mag-uusap?’’

“Sa condo na ‘yun!’’ Iti­nuro ang bagong tayo na condo, ilang metro lamang ang layo sa kanila.

“Sige!”

Tinungo nila ang condo. Habang naglalakad, nag-iisip si Jo kung sino ang babaing ito. Pero parang may nakita na siyang kamukha nito.

(Itutuloy)

Show comments