MALAKING tulong ang pag-aaral na ginawa nina Dr. Nelia Salazar at Dr. Lilian de las Llagas (mga awtor ng librong “Insekto sa Pilipinas”) ng University of the Philippines para higit nating maunawaan ang kalikasan ng mga langaw na aali-aligid sa ating mga mesa kapag may handaan:
Q. Saan nangingitlog ang mga langaw?
A. Kailangan ng mga langaw ng “dumi” ng tao (na nasa lupa) para magsilbing breeding place (pangitlugan) ng nangingitlog na langaw. Dito naiipon ang isang tumpok ng itlog na bumibilang ng 50-100 kada itlugan. Napipisa ang itlog sa loob ng isa o dalawang araw. Ang mga maggot (o larva) ay sinasabing malakas kumain at mabilis lumaki sa loob ng isang linggo. Pagkatapos mapisa ay pumupunta ang mga larva na ito sa lupa upang doon manatili hanggang maging pupa (kaya naman swak na swak sa kanila ang “dumi” ng tao na nakatiwangwang lang sa lupa). Makalipas ang isang linggo, lumalabas na mula sa pupa ang mga tigulang (adult na langaw). Lahat-lahat, mula sa pagiging itlog hanggang sa maging tigulang, bumibilang tayo ng dalawang linggo.
Q. Gaano katagal ang buhay ng mga langaw?
A. Umaabot sa dalawa hanggang anim na buwan ang itinatagal ng buhay ng mga langaw.
Q. Anu-ano ang mga sakit na posibleng idulot ng mga langaw?
A. Typhoid fever, dysentery, conjunctivitis, anthrax, tuberculosis, at cholera.
Q. Mapipigilan ba ang patuloy na pagdami ng mga langaw?
A. Oo. Iwasan ang pagdumi sa kung saan-saan. Gaya nang nabanggit, sa dumi ng tao kadalasang nangingitlog ang mga langaw. At kapag namisa na ang itlog at lumabas na ang larva, kailangan ng naturang larva ang lupa upang magtuluy-tuloy ang kanyang development tungo sa isang pagiging ganap na langaw.
Q. Paano natin mapupuksa ang mga langaw?
A. Maraming paraan. Paggamit ng mga pamatay-langaw. Paglalagay ng maayos na imburnal. Paglalagay ng maayos na tapunan ng basura. Pagkakaroon ng maayos na palikuran o toilet ng buong pamilya.